MANILA, Philippines- Tinatayang nasa halos P103 milyong halaga ng mahigit 112,000 hindi rehistradong produkto ng vape ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa Port of Manila (POM) noong Martes, Marso 18.
Ayon sa BOC, nasa halos P70 milyon ang kabuuang buwis ang maaaring mawala sa gobyerno sakaling hindi nahuli ang mga ipinagbabawal na kargamento.
Nabatid na ang unang shipment na idineklarang naglalaman ng mga insulated cups ay pinigil makaraang makatanggap ng derogatory information.
Dahil dito, hiniling ni BOC Deputy Commissioner Teddy Sandy S. Raval ang pre-lodgement control order (PLCO), na nag-udyok sa pag-inspeksyon sa dalawang 40-foot-high cube container.
Natuklasan sa inspeksyon ang 233 karton na naglalaman ng 46,600 iba’t ibang flavored na produkto ng vape, na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P23.3 milyon, na may tinatayang P30.2 milyon sa duties and taxes nito.
Maglalabas naman si POM District Collector Alexander Gerard E. Alviar ng warrant of seizure and detention (WSD) laban sa mga shipment na ito dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act.
Sa hiwalay na operasyon, humiling ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS)-POM ng PLCO noong Enero 21 para sa tatlo pang shipment na pinaghihinalaang may dalang hindi nakalistang mga produkto.
Sa isang pisikal na inspeksyon, natagpuan ng mga tagasuri ng Customs ang mahigit 66,000 hindi idineklara na mga produkto ng vape na nakatago sa mga kahon ng mga insulated cups. Ang mga bagay ay nagkakahalaga ng P72.4 milyon, na may tinatayang P39.4 milyon na potensyal na kita. JR Reyes