MANILA, Philippines- Isa-isang sinagot ng Malakanyang ang mga katanungan na isinapubliko ni Senadora Imee Marcos sa kanyang opening speech sa pagsisimula ng imbestigasyon ng Senate Committee on Foreign Relations ukol sa ginawang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinagot ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang katanungan ni Imee Marcos kung bakit isinuko si dating Pangulong Duterte sa mga dayuhan.
“Okay, sabi niya bakit natin isinuko ang dating pangulo sa isang dayuhan. Ito naman po ay nasa batas RA 9851, hindi po natin nilalabag ang anumang batas. Kung mayroon pong dapat na managot katulad noong sinabi natin hindi po dapat lamang na panagutin. Ang ginamit po na batas ang RA 9851 nandoon po na sinasabi na maaari nating isuko o ulitin po natin ito ha, doon sa Section 70 sinasabi po na to extradite or to surrender to the International Court, if any, or to the state in relation with applicable extradition treaties something like that,” lahad ni Castro.
Maliwanag din aniya na maging si dating Supreme Court senior associate justice Antonio Carpio ay nagpaliwanag na “maaari po nating i-surrender ang sinuman sa international court – ibig sabihin, hindi po tayo kailangan na mayroong treaty or extradition treaty na pag-uusapan basta ang inilagay po lamang doon ay to surrender to the international court at iyon lamang po ang tinutupad natin.”
“Kasi iyong mga iba nagtatanong bakit daw binasa iyong pinakadulo, pero mapansin ninyo po doon sa batas na iyon may nakalagay po “Or to the state in application or applying the extradition treaty,” ibig sabihin, kapag sa state lang natin isusuko at saka natin gagamitin iyong extradition treaties pero kapag to the international court may comma eh so walang kondisyon doon. So, we have to stick kung anong sinasabi ng batas,” litaniya ni Castro.
Sinabi pa ni Castro na nakausap niya si Pangulong Marcos sa isinagawang pagdinig ng kanyang kapatid na si Senador Imee Marcos kung saan ang naging sagot aniya ng Pangulo ay hindi ito tututulan ng gobyerno para ipakita sa taumbayan na ang gobyerno ay sumusunod lamang sa batas.
“Napag-usapan po iyan at kung anuman daw po ang gagawing paghi-hearing sa Senado hindi naman po natin ito tututulan dahil para ipakita sa taumbayan na tayo po ay sumusunod lamang sa batas,” giit ng opisyal.
“Kapag po kasi nagtatago, ayaw makipag-usap, lahat ng mga officers niya ay sasabihing walang alam ay mas lalo tayong magpapakita na may itinatago tayo. So, iyong mga dating nagagawa noong panahon na hindi pinapapunta ang mga Cabinet members kapag pinapatawag sa Senado – hindi po iyan gagawin ng Pangulo. Para lamang po tayo sa katotohanan at maipakita kung ano ba ang ginawa natin nang naaayon sa batas,” dagdag niya.
Samantala, nilinaw ni Castro na hindi sampal sa administrasyon ang ginawang imbestigasyon ni Imee Marcos sa pag-aresto kay dating Pangulong Duterte lalo pa’t batid naman ng lahat na si Imee Marcos ay isa ring administration candidate.
“Hindi po ito sampal sa pamahalaan, baka po it’s the other way around,” ang sinabi ni Castro. Kris Jose