Home METRO P10K pabuya alok ng MMDA sa panggap na enforcer na nangotong sa...

P10K pabuya alok ng MMDA sa panggap na enforcer na nangotong sa motorista

MANILA, Philippines – Nag-alok ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng P10,000 na pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng tip sa pagkakakilanlan at kinaroroonan ng isang lalaki na nagtangkang mangikil ng pera sa isang motorista sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang isang traffic enforcer.

Sinabi ng ahensya na ang lalaki, na nakuhanan sa isang viral video, ay hindi konektado o empleyado sa MMDA.

“Maaaring magpadala ng personal na mensahe o direct message sa MMDA Facebook page,” saad sa anunsyo ng MMDA.

Sa viral video, hiniling ng motorista at ng kanyang kasama sa pekeng enforcer na ipakita ang kanyang ID. Pero biglang umalis ang bogus na traffic enforcer, sabi ng MMDA.

Dagdag pa ng MMDA, magsasampa sila ng reklamo laban sa pekeng enforcer. Santi Celario