TAGBILARAN CITY — Nasamsam ng mga awtoridad ang mahigit P10 milyong halaga ng ilegal na droga at inaresto ang 34-anyos na si Mark Anthony Pilayre sa isang buy-bust operation noong Marso 3, 2025, sa Barangay Bool, Tagbilaran City, Bohol.
Ayon sa Tagbilaran Police Station na pinamumunuan ni Police Lieutenant Colonel John Kareen Escober, nakumpiska mula kay Pilayre ang 1,500 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halagang P10.2 milyon.
Bukod sa ilegal na droga, nakuha rin mula sa suspek ang isang 9mm na baril na may apat na bala.
Ang mga nakumpiskang ebidensya ay isinumite na sa Bohol Forensic Unit para sa chemical analysis, habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban kay Pilayre para sa paglabag sa Sections 5 at 11, Article 2 ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, pati na rin sa Republic Act No. 10591 para sa ilegal na pagmamay-ari ng baril at bala, at sa Comelec gun ban.
Ayon sa intelligence reports, kayang mag-distribute ni Pilayre ng hanggang tatlong kilo ng shabu kada linggo, na sumasaklaw sa silangang bahagi ng Bohol. Matagal na rin siyang isinailalim sa surveillance ng mga awtoridad. RNT