MANILA, Philippines – Umani ng samu’t saring reaksyon ang planong paggastos ng P10 milyon ng lokal na pamahalaan ng Cebu City para sa 65 sets ng RGB lights na gagamitin sa rehabilitasyon ng legislative building ng Cebu City Hall.
Bagama’t idinipensa ng ilang opisyal na ang mga ilaw na ito ay makakapaghikayat ng mas maraming turista, kinwestyon naman ng iba ang napakalaking halaga na gagastusin para rito.
Ang proposed installation ng P10 milyong halaga ng RGB lights ay bahagi ng P19,828,121 million rehabilitation ng Cebu City Hall.
Inisponsoran ni Councilor Jerry Guardo ang resolusyon para rito.
Sa executive session, pinuna ni Minority Floor Leader Nestor Archival Sr. ang P19.8 milyong budget proposal na ipinasa ng Department of Engineering and Public Works (DEPW).
Tinawag ni Archival ang ilan sa alokasyon sa budget, gaya ng P10 milyong RGB lights bilang “unnecessary and extravagant.”
Tinukoy din niya ang pinakahuling report ng Commission on Audit (COA) kung saan sinita ang lungsod sa sobra-sobrang paggamit ng kuryente.
Sa COA report noong 2023, sinabi na gumastos ang Cebu City Hall ng mahigit P289 milyon para sa kuryente, o 4.17 percent ng kabuuang kita ng lungsod.
Binatikos din sa report ang kawalan ng Energy Efficiency and Conservation (EEC) Office at comprehensive EEC plan, kahit na mandato ito ng batas.
Pinuna rin ang masyadong magarbong paggamit ng Christmas light at street lights.
Sa kabila ng kritisismo, ipinagtanggol ni Acting Vice Mayor Donaldo Hontiveros ang lighting system at inilarawan bilang potential tourist attraction na mas magpapaganda sa lungsod. RNT/JGC