CAVITE- Hinamon ni Cavite Gov. Jonvic Remulla ang publiko na magbibigay ito ng P10 milyon sa sinumang makapagpapatunay sa ugnayan ng kanilang pamilya sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO), iniulat kahapon.
Mariin namang itinanggi ng gobernador ang mga naglalabasang isyu sa social media na ang kanyang pamilya ay naging “tagapagtanggol” ng negosyong nauugnay sa ilang ilegal na aktibidad sa Pilipinas tulad ng operasyon ng POGO matapos na ibenta ang Island Cove, dating resort property ng clan sa Cavite sa isang Filipino-Chinese businessman.
“Ako po ay handang magbigay ng P10 milyon pabuya para sa sino man na nagpapatunay na kami ay may kinalaman sa kasalukuyang operasyon ng isla,” pahayag pa ni Remulla sa post nito sa social media.
“…Na ang aking tanggapan ay may proteksyon na ibinibigay sa mga ito kasama ang Kagawaran ng Hustisya, na ako o sino man sa pamilya ko ay may kaukulang lagda para makakuha ng permit para sa operasyon ng POGO Island,” aniya.
Sa pagbukas ng 32-ektaryang POGO complex sa Cavite ay nagdulot ng pangamba sa umano’y pagsakop ng mga Tsino sa bansa dahil ang dating leisure destination ay tinitirhan na ngayon ng mga manggagawang Tsino.
Noong 2018, tumanggi ang pamilya Remulla na magbigay ng mga detalye ng pagbebenta ng isla, ngunit sa kanyang kamakailang post sa social media, sinabi ng Gobernador ng Cavite na nagbayad ang kanilang pamilya ng P400 milyon bilang capital gains tax matapos ibenta ang property.
“Matagal na pong wala sa amin ang pag-aari ng dating Island Cove, 1970 po noong nabili ng aking yumaong ama na si Atty. Johnny Remulla ang isla na matatagpuan sa Kawit, Cavite. Taong 1976 noong binuksan ito bilang Covelandia 3. Nagsara ito noong 1985 at muling binuksan noong 1998. Ito po ay binenta ng aming pamilya taong 2018,” paliwanag pa ng gobernador.
Taong 2022, nakalagay ang pangalan ni dating congressman Gilbert Remulla, kapatid ng gobernador, bilang direktor ng Philippines Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Subalit, pinasinungalingan ng gobernador na may kinalaman ang kanyang kapatid sa pagbibigay ng permit ng PAGCOR noong 2020.
“Ang Remulla Family ay hindi sangkot sa ano mang pasugalan o illegal na aktibidad,” banggit pa nito.
Noong 2022, si Justice Sec. Jesus Crispin Remulla — isa pang kapatid na Remulla — ay nag-utos sa National Bureau of Investigation (NBI) na itigil ang operasyon laban sa mga POGO matapos makatanggap ng mga ulat ng “huli-dap” o pag-aresto at pangingikil.
“Nagki-kidnap sila. In the end, magdedemanda sila sa DOJ and in the end, they’ll just settle with each other. Kaya nagsasayang lang tayo ng oras. Na-involve lang kami sa mga intramurals na nangyayari sa kanila so we have to stop it. We will only act if there is really a police matter that is needed for us to police or for the NBI to work on pero wag na muna kasi nakakasama, ” pahayag ng Sec. Remulla.
Pinanindigan naman ni Gov. Remulla na hindi protektor ng mga POGO ang pamilya Remulla.
“Hindi din po kami protector ng kahit sinong dayuhan, lalong lalo na mula sa China,” pahayag niya. Mary Anne Sapico