Home NATIONWIDE P113.9M iligal na droga narekober sa Eastern Visayas noong 2025

P113.9M iligal na droga narekober sa Eastern Visayas noong 2025

304
0

MANILA, Philippines — Umabot sa P113.9 milyon halaga ng iligal na droga ang nasamsam ng pulisya sa Eastern Visayas noong 2025 matapos ang mahigit isang libong anti-drug operations ng Police Regional Office 8 (PRO-8).

Ayon sa PRO-8, kabuuang 1,085 operasyon laban sa ilegal na droga ang isinagawa sa buong rehiyon na nagresulta sa pagkakakumpiska ng 23.19 kilo ng iba’t ibang uri ng bawal na gamot.

Sa kabuuang nakumpiska, 15.76 kilo ang shabu, 773.76 gramo ang marijuana, at 6.65 kilo ang cocaine, na may tinatayang kabuuang halaga na P113.91 milyon.

Pinuri ni PRO-8 Regional Director Brig. Gen. Jason Capoy ang mga operatibang pulis sa kanilang dedikasyon at propesyonalismo, at iginiit na ang nasabat na droga ay nakatulong upang mailigtas ang maraming komunidad mula sa masamang epekto ng ipinagbabawal na gamot.

“The number of illegal drugs confiscated represents countless lives saved from the dangers of drug abuse,” pahayag ni Capoy.

Pinakamalaking nasabat ng PRO-8 ngayong taon ang 20 brick ng cocaine na tinatayang nagkakahalaga ng P111.8 milyon na natagpuan ng isang mangingisda na palutang-lutang sa karagatang sakop ng Arteche, Eastern Samar noong Marso 8.

Samantala, noong Disyembre 19, isang high-value individual ang naaresto sa Ormoc City at mahigit P7.3 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa isang joint buy-bust operation sa Barangay Salvacion.

Bukod dito, naiulat din ng PRO-8 na 204 miyembro ng New People’s Army ang sumuko, 60 baril at 14 na pampasabog ang narekober, at 34 rebelde ang naaresto sa buong taon.

Sa kampanya kontra ilegal na sugal, 709 operasyon ang naisagawa na nagresulta sa pagkakaaresto ng 1,891 indibidwal at pagkakakumpiska ng P361,227 gambling money.

Habang sa operasyon laban sa ilegal na pangingisda, 1,990 operasyon ang ikinasa, 3,702 violators ang nahuli, at P173.06 milyon halaga ng isda at paraphernalia ang nakumpiska.

Aabot naman sa 4,513 wanted persons ang naaresto sa 4,483 operasyon ng pulisya, kabilang ang 566 most wanted persons.

Nanindigan ang PRO-8 na ipagpapatuloy ang pinaigting na operasyon upang matiyak ang mas ligtas at mas maayos na Eastern Visayas. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here