MANILA, Philippines- Inihayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na tatlo ang bagong milyonaryo makaraang mahulaan ng mga ito ang kombinasyon ng SuperLotto 6/49 at Lotto 6/42.
Nasolo ng maswerteng mananaya ang jackpot prize ng SuperLotto 6/49 na P129,075.826.40 na may winning number na 21-29-25-14-27-26. Ang maswerteng tiket ay nabili mula sa Ormoc City, Leyte.
Paghahatian naman ng dalawang mananaya ang jackpot prize ng Lotto 6/42 na P12,825,306 na may kombinasyong 05-07-37-19-12-10. Nabili naman ang maswerteng ticket mula sa San Mateo, Rizal at Mexico, Pampanga.
Ang SuperLotto 6/49 ay binobola tuwing araw ng Martes, Huwebes at Linggo habang ang Lotto 6/42 ay tuwing araw ng Martes, Huwebes at Sabado.
Samantala, inaasahan na aakyat sa P121 milyon ang jackpot prize sa UltraLotto 6/58 habang sa MegaLotto 6/45 ay P8.9 milyon. Toto Nabaja