Home NATIONWIDE OFW sa Saudi na ‘inaabuso’ ng anak ng employer nasaklolohan

OFW sa Saudi na ‘inaabuso’ ng anak ng employer nasaklolohan

MANILA, Philippines- Nasagip ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang babaeng overseas Filipino workers (OFW) mula sa mapang-abusong anak ng kanyang employer sa Saudi Arabia.

Nagsimulang magtrabaho ang OFW bilang domestic helper noong Pebrero taong kasalukuyan.

Ayon sa OFW, inabuso siya ng anak ng kanyang amo na kapwa Saudi Arabian national.

Naitawag ito ng domestic helper sa kanyang agency sa Pilipinas ngunit pinayuhan lamang siyang maghintay ng dalawa hanggang tatlong buwan.

Dito na inamin ng OFW sa kanyang mag-asawang amo ang pang-aabuso sa kanya ng kanilang anak

Sa halip na tulungan, kinuha sa kanya ang kanyang pasaporte at iqama.

Noong Hulyo 2024, muli siyang inabuso ng anak ng kanyang employer at muli siyang humingi ng tulong sa kanyang agency ngunit hindi pa rin siya napauwi dahilan para magpasaklolo na ito at agad tumawag sa Department of Migrant Workers para ipagbigay-alam ang kaso ng OFW.

Agad na sinagip ng DMW ang domestic helper at nangako si DMW Secretary Hans Leo Cacdac na bibigyan ng hustisya ang kaso ng Filipina domestic helper. Jocelyn Tabangcura-Domenden