Home Uncategorized Jake Paul nangakong pababagsakin si Mike Tyson

Jake Paul nangakong pababagsakin si Mike Tyson

ARLINGTON, United States — Marahas na sinampal ni dating heavyweight champion  Mike Tyson ang kalabang si Jake Paul sa huling paghaharap nila isang araw bago ang nakatakdang laban nila na suportado ng Netflix.

Tinamaan ni Tyson, 58, ang pisngi ni Paul gamit ang kanyang kanang kamay kasunod ng pormal na weigh-in para sa laban noong Biyernes sa AT&T Stadium sa Arlington, Texas.

Mabilis na namagitan ang isang grupo ng security upang paghiwalayin ang dalawang mandirigma kasunod ng insidente bago paalisin si Tyson.

Si Tyson, na tumimbang ng 228.4 pounds matapos tumapak sa timbangan na nakasuot lamang ng isang pares ng Versace brief, ay bahagya pang nagsalita bago umalis sa entablado.

“Tapos na ang usapan,” sabi ni Tyson bago lumabas kasama ang mga miyembro ng kanyang entourage.

Iginiit ni Paul, ang 27-anyos na Youtuber-turned-boxer, na hindi siya nasaktan sa malakas na sampal ni Tyson, na ikinagulat ng mga manonood.

“Hindi ko man lang naramdaman — galit siya. Galit siyang maliit na duwende…cute slap buddy,” ani Paul, na tumitimbang ng 227.2 pounds.

Tinapos ni Paul ang kanyang mga pahayag sa pamamagitan ng isang mapagsamantalang pangako na patumbahin si Tyson, bago umungol sa isang mikropono: “Dapat siyang mamatay.”

Si Tyson ay iniulat na binabayaran ng $20 milyon para sa opisyal na sanction na laban ngayong Biyernes (Sabado PH time) sa Texas, na bubuuin ng walong dalawang minutong round.

Ang paligsahan, na ini-stream nang live sa Netflix, ay umani ng iba’t ibang  reaksiyon sa buong mundo ng boksing, na may maraming kilalang tao na tinutuligsa ang muling paglaban ni Tyson matapos magretiro ng halos 40 taon sa pro-boxing.JC