Home NATIONWIDE Biometric system sa PH airports pagugulungin ng DOTr

Biometric system sa PH airports pagugulungin ng DOTr

MANILA, Philippines- Magpapatupad ang Department of Transportation (DOTr) ng biometric system sa pagproseso ng mga pasahero sa lahat ng paliparan sa bansa, na bahagi ng modernisasyon sa Philippine transport system.

Sinabi ni DOTr Secretary Jaime J. Bautista na ang pilot implementation ng Biometrics Passenger Processing System ay sa Iloilo International Airport sa pamamagitan ng proyekto batay sa kasunduan sa Ultrapass Identity Asia, Inc.

Sinabi rin ni Bautista na ang proyekto ay ipatutupad sa dalawang phases– Phase One na target ang Filipino passengers gamit ang National ID sa pamamagitan ng PSA | DICT e-Verify system, kung saan ibeberipika ng database ng National ID ang pagkakakilanlan ng mga pasahero.

Ang Phase Two, sa kabilang banda, ay isasama ang mga dayuhang pasahero na gumagamit ng kanilang mga e-passport na naglalakbay sa loob ng bansa.

Sinabi ni Bautista na ang biometric system sa paliparan ay isang malaking hakbang sa modernisasyon ng proseso sa paliparan para sa mga pasahero at operational enhancement.

Pinasalamatan din ni Bautista ang US Government sa suporta nito sa pagsasakatuparan ng proyekto na aniya ay magpapabago sa sistema ng transportasyon ng bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden