MANILA, Philippines – Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang tinatayang ₱136.92 milyong halaga ng iba’t-ibang ismagel na produkto kabilang na ang mga agricultural goods at pekeng items, sa isinagawang inspeksyon sa Port of Manila noong Mayo 5, 2026.
Ayon sa BOC, nasa 25 container ang nasabat, na pawang naka-consign sa isang kumpanyang nagbebenta ng construction supplies at nagmula umano sa China. Una itong idineklara bilang “plastic racks,” ngunit sa masusing pagsusuri ay natuklasang naglalaman ito ng iba’t ibang hindi idineklarang produkto.
Kabilang sa mga nakumpiska ang mga produktong agrikultural gaya ng bigas at asukal na nagkakahalaga ng ₱18.134 milyon, pati na rin ang mga pekeng produkto na lumalabag sa intellectual property rights (IPR) na umaabot sa ₱59.343 milyon o katumbas ng 6,320 kahon. Nakita rin ang ilang bulto ng ukay-ukay at iba pang kalakal.
Bukod dito, nadiskubre rin ang mga kemikal na nagkakahalaga ng ₱101,000; mga gamit na damit na aabot sa ₱22 milyon; electronics na ₱2.1 milyon; pharmaceutical products na ₱669,000; food items na ₱43.75 milyon; at iba pang kalakal na nagkakahalaga ng ₱34.523 milyon.
Napag-alaman din sa BOC na may ilang cosmetic products na walang label at hindi rehistrado, na posibleng magdulot ng panganib sa kalusugan ng publiko.
Binigyang-diin ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na patuloy nilang paiigtingin ang pagbabantay sa mga pantalan upang maiwasan ang ganitong uri ng panlilinlang.
“Hindi namin palalagpasin ang ganitong uri ng pang-aabuso. Bukod sa nawawalan ng kita ang gobyerno, nalalagay rin sa panganib ang mga mamimili at lehitimong negosyo,” aniya.
Kasalukuyan nang isinasagawa ng BOC ang kaukulang imbestigasyon at paghahain ng kaso, kabilang ang seizure at forfeiture proceedings alinsunod sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at iba pang umiiral na batas.
Samantala, tiniyak ng BOC–Port of Manila, sa pamumuno ni District Collector Rizalino Jose Torralba, na mananatili silang matatag sa kanilang mandato na hadlangan ang pagpasok ng mga ilegal na produkto at tiyakin ang pagsunod sa batas ng lahat ng inaangkat na kalakal. JAY Reyes







