Home NATIONWIDE P138M halaga ng illegal na droga nasamsam sa NAIA

P138M halaga ng illegal na droga nasamsam sa NAIA

148
0

MANILA, Philippines – Nasamsam ang nasa P138 milyong halaga ng illegal na droga sa magkakaibang operasyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City mula Pebrero 11 hanggang 15, ayon sa Philippine National Police – Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP) nitong Lunes, Pebrero 23.

Sa press briefing, sinabi ni AVSEGROUP public information office chief Police Lieutenant Colonel Harold Tosino na sakop ng mga operasyon ang passenger terminal, cargo facility, at mail center.

“Sa loob na limang araw ay matagumpay na naharang ng AVSEGROUP, katuwang ang NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, ang ilang tangkang pagpasok ng iligal droga sa pamamagitan ng mga passenger terminal, cargo facility, at mail centers,” ani Tosino.

“Dahil dito, mahigit P138 milyon na halaga na ipinagbabawal na gamot ang napigilan makarating sa ating mga komunidad,” dagdag pa niya.

Noong Pebrero 11, tatlong abandonadong parcel ang naharang sa Paircargo area, na naglalaman ng 5.4 kilo ng shabu na itinago sa mga handbag at hot water bottles na nagkakahalaga ng P36.8 milyon.

Noong Pebrero 13 naman ay apat na abandonadong parcel ang nadiskubre sa Central Mail Exchange Center na naglalaman ng 3.7 kilo ng marijuana kush na itinago sa vacuum-sealed packaging at nagkakahalaga ng P5.6 milyon.

Walang naaresto sa operasyon ngunit nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Noong Pebrero 13, 77-anyos na German national naman ang naaresto sa NAIA Terminal 3 matapos makuha ang 8.1 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P55.3 milyon na inilagay sa loob ng Bibliya.

Samantala, noong Pebrero 15 ay isang 30-anyos na South African national ang naaresto matapos makuha ang anim na kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P40.8 milyon na nadiskubre sa wooden box sa loob ng backpack.

Itinurn-over ang mga suspek sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kasama ng mga illegal na droga para sa tamang disposisyon at pagsira.

Ang mga naharang na parcel ay na-trace na galing sa Thailand, South Africa, Botswana, at Malawi.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang local recipients at posibleng kaugnayan sa mga sindikato.

Nakikipag-ugnayan na ang mga awtoridad sa foreign counterparts kaugnay sa pagpasok ng mga illegal na droga sa bansa. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here