Home METRO P14M alahas sa 2 jewelry store tinangay ng mga kawatan!

P14M alahas sa 2 jewelry store tinangay ng mga kawatan!

MANILA, Philippines- Tinatayang P14 milyong halaga ng mga alahas ang ninakaw ng mga kawatan sa magkatabing jewelry shops sa Cebu City, araw ng Huwebes.

Batay sa ulat nitong Biyernes, inilahad ng empleyado ng ninakawang tindahan na malapit sa Carbon Public Market na nilooban umano sila ng tatlong suspek habang may nagsilbing lookout.

Hagip sa CCTV camera ang pagsalakay ng mga armadong magnanakaw kung saan pinagtutumba ang mga eskaparate na pinaglalagyan ng mga alahas na kanilang tinangay.

Wala namang nagawa ang mga empleyado at kustomer na pinadapa ng mga kawatan.

Pagdating ng mga pulis ay hindi na naabutan ang mga salarin.

Ani Police Colonel Antonietto Cañete, Cebu City Police Office chief, natukoy na ang pagkakakilanlan ng isa sa mga suspek.

“Initially may nakitang dalawa na nasa labas, dalawa ang pumasok, may na-identify kami na isa,” pahayag niya.

Binigyan ni acting Cebu City Mayor Raymond Alvin Garcia ang mga awtoridad ng 48 oras upang lutasin ang krimen. RNT/SA