Home METRO Subic hotel nag-sorry sa hinihinalang food poisoning

Subic hotel nag-sorry sa hinihinalang food poisoning

SUBIC BAY FREEPORT- Humingi ng paumanhin ang isang hotel sa loob ng free port na ito matapos ang makaapekto ang hinihinalang food poisoning sa barangay officials mula sa San Carlos City sa Pangasinan.

Sinabi ni Jorgen Michael Te, director of sales and marketing sa Subic Bay Travellers Hotel (SBTH), nitong Huwebes na iniimbestigahan ng hotel management ang sanhi ng umano’y food poisoning sa pakikipag-ugnayan sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), Olongapo City government at sa iba pang ahensya.

Kinumpirma ni Te na ipinadala ang food samples mula sa breakfast at lunch meals sa Department of Health Region 3 upang suriin.

Gayundin, nagsumite ng water filters, samples ng filtered water, at ice cubes mula sa ice maker ng hotel sa Subicwater.

“The hotel management commits to defray medical and hospitalization costs and whatever needs may be necessary to alleviate the concerns of those affected,” giit ni Te.

Habang hinihintay ang test results, tiniyak ni Te sa publiko na magpapatupad ang hotel ng mga panukala upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng stakeholders sa kada aspeto ng operasyon nito.

“The overall comfort and well-being of hotel guests remains the primary mission of the hotel, and we commit to stringently undertake corrective actions to ensure premium quality service for our guests,” dagdag niya.

Ayon kay Armie Llamas, deputy administrator for corporate communication sa SBMA, inaasahang darating ang laboratory results mula sa food samples sa loob ng apat hanggang limang araw. Inaasahan naman ang  eater filter test results sa loob ng 24 hanggang 48 oras.

Nagpalabas ang Public Health and Safety Department (PHSD) ng show-cause order sa establisimiyento.

Noong Miyerkules, 163 barangay officials, karamihan ay Sangguniang Kabataan (SK) officials mula sa Pangasinan, ang nagpakita ng sintomas ng food poisoning matapos mananghalian sa hotel sa isinagawang seminar.

Dinala ang mga apektadong indibidwal sa mga ospital sa freeport at kalapit na Olongapo City, subalit nakalabas na at nakauwi na sa Pangasinan. RNT/SA