Home HOME BANNER STORY P15 minimum fare sa traditional jeepneys, isinusulong

P15 minimum fare sa traditional jeepneys, isinusulong

MANILA, Philippines – Igigiit ng isang transport group sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ilabas na ang desisyon nito sa petisyon na pataasin ang minimum fare sa mga traditional jeepneys sa P15.

Ayon sa Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), ito ay dahil sa mga nakalipas na big-time oil price hike sa mga produktong petrolyo.

Sinabi ni ALTODAP president Boy Vargas na sinabihan na sila ng LTFRB na ‘subject for resolution’ na ang petisyon ngunit wala pa ring inilalabas na desisyon ang ahensya.

Ang kasalukuyang minimum fare sa mga traditional jeepney ay P13.

Nangako naman si LTFRB spokesperson Celine Pialago na tutugon ito sa mga petisyon at ipinuntong ang lahat ng mga ito ay dumadaan sa masusing pag-aaral.

“Lahat po ng fare hike, lagi pong pinapaalala ng LTFRB, na pinag-aaralan ito at sinusuri ng board. Makakaasa sila na makakatugon po dito ang LTFRB pero dadaan po ito ng napakamasusing pag-aaral at approval,” sinabi ni Pialago sa panayam.

“But we will get back po yung mga ating kaibigang tsuper regarding this,” dagdag pa niya.

Kamakailan ay nagtaas ang mga kompanya ng langis ng P1.10/liter sa presyo sa gasolina, P1.55/liter sa diesel, at P1.40/liter sa kerosene. RNT/JGC