MANILA, Philippines – Nagpaalala si Vice President Sara Duterte sa mga Muslim Filipino na manatiling mapagpakumbaba, mapagpatawad at mas palalimin ang pananampalataya kasabay ng pagtatapos ng Ramadan.
Sa kanyang Eid’l Fitr message, sinabi ni Duterte na ang dedikasyon at pananampalataya ng Muslim community ay nagbibigay ng inspirasyon sa lipunan.
“Ang pagtatapos ng Ramadan ay paalala sa atin na maging mapagpakumbaba, mapagpatawad, at palalimin pa ang ating pananampalataya. Nawa’y patuloy nating isabuhay ang mga aral ng Qur’an at ng Propetang Muhammad, at itaguyod ang kabutihan sa ating kapwa,” ani Duterte sa isang video message.
Sa kabila ng mga pagkakaiba, iginiit ng Bise Presidente ang kahalagahan ng pagkakaisa, respeto at pag-ibig sa bansa.
Ngayong araw, Abril 10, ay ipinagdiriwang ang Eid’l Fitr na marka ng pagtatapos ng holy month ng Ramadan at ikinokonsiderang isa sa pinakamahalagang okasyon sa Islam. RNT/JGC