LEGAZPI CITY — Umaabot sa mahigit P15 milyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam at 12 suspek ang naaresto sa magkakaugnay na anti-illegal drug operations sa Bicol Region nitong nakaraang weekend, ayon sa Police Regional Office in Bicol (PRO-5) nitong Lunes, Mayo 25.
Ayon sa pulisya, nasamsam ang kabuuang 2.2 kilo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P15.08 milyon at 2 gramo ng marijuana na may halagang P240 sa walong operasyon na isinagawa noong Mayo 23 hanggang 24.
Sinabi ni PRO-5 Director Brig. Gen. Erosito Miranda na pinakamalaking operasyon ay sa Legazpi City noong Linggo, kung saan nasamsam ang P6.8 milyong halaga ng droga at naaresto ang dalawang umano’y drug pusher mula Bacoor, Cavite na sinasabing nagdadala ng supply sa Bicol Region.
Sa Camarines Norte, dalawang high-value individual ang naaresto at P8.1 milyong halaga ng droga ang nasamsam sa isa sa pinakamalaking anti-drug operations sa lalawigan ngayong taon.
Sa Albay, pitong suspek ang naaresto sa apat na operasyon, kabilang ang tatlong high-value individuals at apat na street-level suspects. Sa Camarines Sur naman, dalawa pang suspek ang nadakip at P13,056 halaga ng droga ang nasamsam.
Mahaharap sa mga kaso ang mga naaresto sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act, habang tiniyak ng pulisya ang mas pinaigting na intelligence-driven operations laban sa drug networks sa rehiyon. Mary Anne Sapico