Pasig City, Philippines – Nahaharap si Mayor Vico Sotto at tatlong iba pa sa umano’y t-shirt scandal na nagkakahalaga ng P17.2 milyon o P1,500 bawat isa sa may 11,000 kawani ng Pasig City government bilang cash allocation para sa commemorative t-shirts na isusuot ng mga ito sa 452nd Araw ng Pasig na ginanap noong Hulyo 2, 2024.
Kabilang din sa mga kinasuhan sina Elvira Florez, hepe ng HRDO; city administrator Jeronimo Manzanero; at hepe ng Bids and Awards Committee na si Josephine Lati-Bagaoisan.
Sa complaint-affidavit na inihain sa Ombudsman noong Hulyo 30, 2024 ay ibinunyag ni Michelle Gonzales Prudencio na sa halip na cash allowance ay namigay umano ang Human Resource Development Office ng Pasig City ng mga t-shirt at puwersahang pinalagda ang mga nabigyan sa resibo na tinanggap na nila ang cash allowance na P1,500.
Ayon kay Prudencio, mayroong disenyong ‘450th Araw ng Pasig’ na nakatatak sa ipinamigay na t-shirts, na siyang pinaghugutan ng duda na galing sa lumang imbentaryo ng LGU ang mga pang-itaas na damit sapagkat ang selebrasyong ginanap nitong nagdaang Hulyo 2, 2024 ay para sa ‘452nd Araw ng Pasig.’
Ang mga nabanggit na opisyales ng Pasig LGU ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9184 at 3019, o ang Government Procurement Reform Act at Anti-Graft and Corrupt Practices Act na may parusang anim hanggang 15 taong pagkabilanggo.
Ayon sa salaysay ng nagreklamo, malinaw na walang isinagawang public bidding ang mga respondent para sa P17.2 milyong commemorative t-shirts sapagkat noong Hunyo 27, 2024 lang inilabas ang Executive Order ni Mayor Sotto para sa cash allowance ng lahat na empleyado at kinabukasan agad na Hunyo 28, 2024 ang umpisa ng unang pamamahagi ng t-shirts.
“Given the timeline of implementation, specifically Mayor Sotto’s issuance of Executive Order No. PCG-28 on June 27, 2024 which prescribed the grant of cash allowance, and the release of the t-shirts the next day on June 28, 2024 —- It would have been physically and legally impossible for the purchase of the t-shirts to have undergone the proper procurement process as required by law,” saad ni Prudencio sa kanyang reklamo.
Idinagdag nito na wala rin umanong nangyaring advertisement o posting sa Government Electronic Procurement System o PhilGEPS tungkol sa pagbili ng nasabing P17.2 milyong t-shirts na siyang itinatadhana ng batas.
“Malinaw ang bad faith sa ginawa ng mga respondent sa pagbili ng t-shirts na umabot ng P17.2 milyon kahit walang tamang procurement process na pinalala pa nang hindi cash allowance ang ipinamigay kundi mga commemorative t-shirt,” diin pa ng reklamo ni Prudencio sa Ombudsman.
Ang 10-pahinang sinumpaang salaysay ni Prudencio ay inihain noon pang Hulyo 30, 2024 na hindi agad nailabas sa media.
Matatandaan na nitong Agosto 7 ay sinampahan din ng graft cases si Mayor Sotto sa Ombudsman dahil sa umano’y iligal nitong pagbigay ng 100 percent tax discount sa Converge ICT Solutions na sinasabing hindi naglahad ng tamang sukat ng opisina at bilang ng mga tauhan bilang batayan ng kuwenta ng bayaring buwis sa City Hall. RNT