Home OPINION SUPORTA SA MGA ATLETANG PINOY MAGTULOY-TULOY SANA

SUPORTA SA MGA ATLETANG PINOY MAGTULOY-TULOY SANA

SA kabila nang marami pa ring kakulangan, malayo na rin ang narating ng ating bansa kung ang paguusapan ay  larangan ng palakasan.

Sa mga nakalipas panahon, hindi man lang nababanggit ang Pilipinas dahil laging kulelat ang ating mga atleta kapag kaharap na ang mga manlalaro sa iba’t ibang bansa pero sa pagdaan ng panahon, unti-unting umaangat ang kakayanan ng mga Pilipino sa kani-kanilang larangan patunay ang nagdaang 2019 SEA Games kung saan naging ‘overal champion’ ang Pilipinas na humakot ng 387 medalya at pinakamaraming gintong medalya na umabot sa 149.

Hindi rito natapos ang kampanya ng ating mga atleta dahil nagtuloy-tuloy ang kanilang pagwawagi hanggang sa Tokyo Olympics kung saan nakakuha ng kauna-unahang gintong medalya ang bansa sa pamamagitan ni Hidilyn Diaz sa weightlifting, silver medal kina Nesthy Petecio at Carlo Paalam sa boxing at isang bronze kay Eumir Marcial para sa kabuuang apat na medalya na pinakamarami nating napanalunan sa Olympiada.

Ngayon naman nagdiriwang tayong muli sa dalawang gold medal ni Carlos Yulo sa gymnastics at bronze medal nina Nesthy Petecio at Aira Villegas sa boxing sa 2024 Olympics na kauna-unahan sa napakahabang panahon nang paglahok ng bansa sa Olympiada at una rin ang Pilipinas sa Southeast Asia.

Pwede na ngang magyabang ang mga Pinoy dahil nagdala ang ating mga atleta ng malaking karangalan sa ating bansa. Hindi lang ‘yan, nagsisilbi rin silang inspirasyon ngayon sa mga kabataang nangangarap na makapaglaro sa international competition.

Ang matagumpay na kampanya ng Pilipinas sa 2024 Paris Olympics ay patunay lang na handa ang ating mga atleta na makipagsabayan at makipagkumpitensya sa mga pinakamahuhusay na atleta sa buong mundo dahil kung dati ay isa itong panaginip ngayon ay ‘achievable goal’ na ito.

Isa sa mga bunga nang pagwawagi nina Caloy, Nesthy, at Aira ay ang pagdagsa ng mga kompanya at pribadong indibidwal na nagbigay ng gantimpala sa kanila na isa talagang magandang balita.

Pero ang tanong nga lang, nasaan sila noong nagsasanay pa lang ang ating mga atleta? Panay ang sisi natin sa mga ahensiya ng pamahalaan na nangangasiwa sa mga atleta at bagama’t may bahid naman ng katotohanan na may pagkukulang talaga, sana ay tumugon din noon ang mga pumi-picture ngayon sa halip na dedmahin ang panawagan noon ng mga atleta, tulad nina Caloy, Hidilyn, at iba pang manlalaro, na nakitang nagmakaawa na bigyan sila ng suporta.

Nagpapasalamat tayo sa mga halos nagkakandarapang magbudbod ng milyon-milyon sa ating mga medalist, pero mas dapat nating pasalamatan yaong mga naroon na para sa mga atleta natin sa simula pa lamang. Una rito ang tahimik na si Senadora Pia Cayetano, na matagal nang nagsisikap na itaguyod ang sports at bigyan ito ng sapat na suporta mula sa gobyerno.

Nakatulong pa nga ng malaki ang kanyang mga inisyatibo at adbokasiya sa pagbuo ng mga programang naglalayong pagyamanin ang kakayahan ng mga atleta at magbigay ng sapat na pasilidad para sa kanilang pagsasanay.

Bukod sa kanya, nariyan ang ilang mga korporasyon at mga pribadong indibidwal na nagbibigay ng sponsorship at donasyon para sa pag-unlad ng ating mga atleta tulad ng mga kompanya nina Manny V. Pangilinan at Ramon S. Ang na may mahalagang kontribusyon  upang masiguro na ang ating mga atleta ay may sapat na kagamitan at suporta sa kanilang paglalakbay tungo sa tagumpay.

Sa kabila ng mga isyung politikal at kakulangan sa pondo, nagawa ng mga Pilipino na ipakita ang kanilang husay at dedikasyon sa larangan ng palakasan.

Sana ay magtuloy-tuloy na ang kolektibong pagsisikap natin para lalo pang mamayagpag ang mga atletang Pilipino.