Home OPINION TRANSPORTASYON AT KALSADA SA METRO MANILA

TRANSPORTASYON AT KALSADA SA METRO MANILA

PANIBAGONG serye ng mga kilos protesta ang inihahanda ng grupong PISTON bilang pagtutol sa Public Transport Modernization Program habang ang ilang kalye naman na trinabaho ng mga contractor ng Department of Public Works and Highways o kaya naman ng local government unit ay palpak.

Natapos ang  naunang ikinasang tatlong araw na transport strike ng Piston noong Agosto 16 at plano nilang magsagawa nang panibago bagaman mistulang nais ng pamahalaan na tumahimik sila tulad nang ginawa ng mga pulis na tangkang pagharang sa kanila sa pagmamartsa sa Espanya Boulevard patungong Mendiola, ayon kay Mody Floranda, puno ng Piston.

Para sa Pakurot, hindi masama ang nais ng pamahalaan na maging moderno ang public transport subalit dapat ay hindi agad-agad tanggalan ng kabuhayan ang mga tsuper at operator bukod pa sa pagpatay sa industriya ng mga sasakyan dahil sa pag-patronize sa mga sasakyang galing sa China, Japan, Korea at iba pang lugar.

Kumpara sa presyo ng mga sasakyan mula sa ibang bansa, hamak na mas mura ang mga sasakyan na gawa sa ating bansa subalit mas ninais ng mga nasa pamahalaan na tangkilikin ang mga imported na sasakyan na kumpara sa tibay ay hamak na angat ang gawang Pilipino.

Habang nagnanais ang pamahalaan ng modernong transportasyon, ang mga kalye sa Pilipinas lalo na sa Metro Manila ay ginagawa o nire-repair sa ilalim ng DPWH at LGUs na ipinapasa naman sa mga contractor na kakilala nila kung hindi sumailalim sa regular bidding.

Pero sana, makita ng pamahalaan na karamihan sa mga kalye na ginawa ay pawang “patchi-patchi” lang kung hindi man napakanipis kaya madaling maglubak-lubak na naman. Konting buhos ng ulan ay nawawala ang inilagay na aspalto o semento kung kaya naman bako-bako muli ang ginawang kalye.

Hindi na tsinetsek ng nagpagawa ang trabaho ng contractor kung kaya nga ang mismong mga motoristang dumaraan na nakararanas ng sakit ng katawan sa pagtalbog-talbog sa loob ng sasakyan ang nagrereklamo.

Isang halimbawa ang mga kalye sa Quezon City na ni-repair pero kapag dumaan ang mga sasakyan ay parang dumaraan sa “buwan” dahil sa lalaki ng lubak o kaya naman ay mabibigla na lang dahil may umbok na hindi kaagad maiiwasan.

Kung ginagawang moderno ang transportasyon, dapat ang mga kalye ay may improvements din. Hindi iyong masabi lang na ginawa pero hindi naman maayos ang pagkakagawa.

Maganda siguro kung palpak ang contractor sa kanilang ginawa ay pagmultahin ang mga ito. Siguro dapat, soli bayad ng pamahalaan.