Home OPINION JIMMY GUBAN, BAKIT NGAYON LANG?

JIMMY GUBAN, BAKIT NGAYON LANG?

HINDI na kapani-paniwala ang mga binitiwang pahayag ni dating Bureau of Customs intelligence officer Jimmy Guban na nagsasangkot sa asawa at kapatid ni Vice President Sara Duterte at sa Chinese economic adviser ng kanyang ama sa P11 bilyong halaga ng smuggled drugs sa bansa noong 2018.

Sabi ni VP Duterte, political harassment at political attack ang nangyayari mula nang tumalikod siya sa gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.  Mukhang tumpak ang sinasabi ng ikalawang mataas na pinuno ng bansa.

Parang ang nais mangyari ng administrasyon ay pagsisihan ni VP Sara ang kanyang pagtalikod bilang kaisa ni Pangulong Marcos kaya sinisira ng mga ito ang asawa ni Duterte na si Mans Carpio at kapatid ng Bise Presidente na si Davao City 1st District Representative Paolo Duterte.

Wala namang binibitawang salita si Duterte na makasisira sa administrasyon maliban sa sinasabi niyang bantayan ang totoong kalagayan ng bansa at ang totoong problema sa kakulangan sa pagkain sa hapag o mesa ng bawat tahanang Pilipino.

Bakit ngayon lang nagsasalita itong si Guban gayong may pagkakataon siya noong matapos ang panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte?  Huwag niyang sabihin na dahil noon ay nasa administrasyon pa si VP Sara at kayang-kaya siyang balikan?

Ang masaklap, may mga pangalan din siyang idinawit na dahilan upang maging mas lalong kahina-hinala ang kanyang mga pahayag.

Tulad nang umano’y pagnanais ni Duterte na isangkot si dating senador Antonio Trillanes IV sa iligal na droga ay tila gawa-gawa na lang. Siyempre, batid ni Duterte na malabong paniwalaan iyon ng mga tao dahil malabo talaga. Pero kung isinangkot si Trillanes sa pagiging taksil sa bansa dahil sa pagbebenta ng West Philippine Sea, iyan possible pa. Alam ni Duterte na iyan ay totoo.

Hindi kaya may mga taong nasa likod nang pagtuga o pahayag ni Guban sa Kongreso sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay sa Philippine Offshore Gaming Operators?

O dahil nais nilang sirain ang pagkatao ni Rep. Duterte na naghain ng panukalang batas na kailangang ang lahat ng opisyales ng pamahalaan ay sumailalim sa mandatory random drug test? Kasama sa kailangang sumailalim sa drug test ay ang mga kandidato sa halalan.

Sa inihaing panukala kaugnay sa drug test, magkakaalaman kung sino-sino ang mga politikong gumagamit  dahil tiyak na ikot ang tumbong ng mga ito kung paano gagawa ng paraan upang hindi maaprubahan.

Hindi kaya, isa na rin itong paraan upang hindi magkabukingan? Ang pulitika nga naman, sadyang napakarumi.