Home NATIONWIDE P17.5M tulong naipamahagi na ng DSWD sa mga biktima ng Kanlaon eruption

P17.5M tulong naipamahagi na ng DSWD sa mga biktima ng Kanlaon eruption

MANILA, Philippines – Naipamahagi na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Sabado, Hunyo 15 ang aabot sa P17.5 milyong halaga ng tulong sa mga pamilya sa Negros Occidental na apektado ng pagputok ng Bulkang Kanlaon.

Dumalo si DSWD Secretary Rex Gatchalian at First Lady Liza Araneta-Marcos sa pamamahagi ng ayuda kung saan nakatanggap ng P10,000 ang nasa 1,752 pamilya bukod pa sa food at non-food items.

Sa 1,752 pamilya, 1,500 ang residente ng La Castellana, habang ang iba ay mula Bago City.

Sa nasabi ring araw ay binisita ni Gatchalian ang evacuation center sa La Castellana Elementary School upang tingnan ang kalagayan ng mga apektadong pamilya.

Nananatili pa rin sa Alert Level 2 ang babala sa Bulkang Kanlaon matapos itong sumabog noong Hunyo 3. RNT/JGC