MANILA, Philippines – NASIMOT ang P1 billion na quick response funds ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) matapos gastusin sa mga biktima ng limang huling tropical cyclones na tumama sa bansa.
“More than P1 billion yung total humanitarian assistance na po ang naipamahagi ng inyong DSWD. Out of that, more than 1.4 million na family food packs ang ating naipamigay dito sa mga probinsiya na apektado ng limang nagdaang bagyo,” ang sinabi n DSWD Undersecretary Edu Punay.
“May natira pa tayo so far na P100 million na standby funds. But the good news, mabilis po ang replenishment ng ating pondo when it comes to disaster response,” dagdag na wika nito.
Kaya nga sinabi ni Punay na inaasahan ng DSWD na ipalalabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang P875 million pondo ngayong linggo o sa susunod na linggo.
Mula pa noong October 21, naapektuhan na ng tropical cyclones Kristine, Leon, Marce, Nika, at Ofel ang maraming rehiyon sa bansa.
Dahil sa epekto ng Kristine and Leon, may kabuuang 9,626,456 katao ang naapektuhan at 158 naman ang napaulat na nasawi.
Sinabi naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na 387,514 katao ang naapektuhan sa pananalasa ng bagyong Marce.
Samantala, 195,532 katao ang naapektuhan ng mga bagyong Nika at Ofel.
Nakapinsala naman sa agrikultura at imprastraktura ang pagbaha at landslides sa pananalasa ng kamakailan lamang na bagyo.
Ang bagyong Ofel ay nananatili pa rin sa loob ng Philippine area of responsibility.
Samantala, sinabi naman ng state weather bureau (PAGASA) na ang tropical storm na may international name Man-Yi ay inaasahan na papasok sa PAR, Huwebes ng gabi at papangalanang Pepito.
Sinabi ng PAGASA na maaaring lumakas si Man-Yi at maging severe tropical storm, araw ng Miyerkules at umabot sa typhoon category, Huwebes ng tanghali o gabi.
“The tropical cyclone could even reach the super typhoon category,” ang sinabi ng PAGASA.
Si Man-Yi ay huling namataan sa 1,965 kilometers east ng Eastern Visayas Kumikilos patungong west-southwestward na may 30 kilometers per hour (kph).
“The tropical storm was packing maximum sustained winds of 65 kph near the center and gustiness of up to 80 kph,” ayon sa PAGASA. Kris Jose