Home METRO P1M shabu nakumpiska sa mag-asawa

P1M shabu nakumpiska sa mag-asawa

COTABATO CITY- ARESTADO ang mag-asawa matapos makuhanan ng higit sa P1M halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation noong Huwebes sa lungsod na ito.

Ang mga nadakip na suspek ay kilala sa mga alyas Acon at misis nitong si alyas Madam, kapwa nasa hustong gulang at taga Bongo Island, Parang, Maguindanao del Norte.

Sa operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency-Bangsamoro Autonomous Region (PDEA-BAR) bandang 4:00 PM ng madakip ang mga suspek sa Don Rufino Alonzo Street, Barangay Poblacion 5, Cotabato City.

Nakuha sa mag-asawang suspek ang 7 pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na 150 gramo at may market value na P1,088,000.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang mga suspek./Mary Anne Sapico