MANILA, Philippines – INAPRUBAHAN ng Department of Budget and Management (DBM) ang P2.7-bilyong budget para sa Commission on Elections (Comelec) para sa pagsasagawa ng 2025 Bangsamoro elections.
Sinabi ni Comelec chairperson George Erwin Garcia na ang karagdagang pondo ay ilalaan sa panukalang P2,000 na karagdagan sa honoraria ng mga guro na magsisilbi bilang electoral board members (ERBs), at pagkuha ng support staff.
“Nakausap natin nung isang araw ang ating DBM Secretary at malugod niyang ipinagkaloob sa Comelec ang kinakailangan naming budget na gagamitin natin para sa Bangsamoro Parliamentary Elections,” ayon kay Garcia.
“Yan ay bilang paghahanda na rin ng Comelec sa darating na Bangsamoro elections na nahiwalay na sa national and local elections at ito ay mangyayari na sa October 13,” dagdag na wika nito.
Matatandaang, noong nakaraang buwan ay tinintahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isang batas na magpapaliban sa parliamentary elections sa Bangsamoro, itinakda ito sa Oktubre 13, 2025 mula Mayo.
“Gusto namin na bigyan pa rin, ituloy pa rin ang itinaas namin na P2,000 sa ating mga electoral board members. Ibig sabihin, hindi tama… na yung P2,000 ay para lang sa NLE sa May 12. Kinakailangan yung Bangsamoro may dagdag na P2,000 across-the-board para sa ating maglilingkod na ERB,” ani Garcia.
“Ninanais din ng Comelec na magdagdag ng support staff sa ating mga paaralan para makatulong sa mga guro sa paglilingkod sa araw ng halalan. Kung may dagdag na support staff, may dagdag na budget,” aniya pa rin.
Ang karagdagang budget ayon sa DBM ay huhugutin mula sa P10.784-billion unobligated funds ng Comelec sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act (GAA).
“It was agreed during the meeting between the COMELEC and the DBM that the funding requirements for the BARMM Elections will be charged against the abovementioned available allotment of the COMELEC,” ayon sa departamento. Kris Jose