Bocaue, Bulacan – Nagpahayag ng matinding pakikiramay ang Philippine National Police (PNP) sa pagpanaw nina Police Staff Sergeants Dennis Cudiamat at Gian George Dela Cruz, kapwa miyembro ng Bocaue Municipal Police Station. Ang dalawang pulis ay nagbuwis ng kanilang buhay sa isang operasyon laban sa ilegal na baril noong Marso 8, 2025.
Sa isang pahayag, pinuri ng PNP ang kabayanihan at dedikasyon ng dalawang opisyal, na nagsilbing huwaran ng matapat at tapat na paglilingkod.
“Ang kanilang sakripisyo ay sumasalamin sa walang pag-iimbot na serbisyo at tapang na isinasabuhay ng bawat pulis,” ayon sa PNP.
Ang pagpanaw nina PSSg Cudiamat at PSSg Dela Cruz ay nag-iwan ng matinding lungkot sa kanilang mga pamilya, kasamahan, at sa mga komunidad na kanilang pinaglingkuran.
Tiniyak ng PNP na patuloy ang masusing imbestigasyon at malawakang hot pursuit operation upang mahuli ang natitirang suspek sa insidente. “Hindi kami titigil hangga’t hindi napapanagot ang mga nasa likod ng krimeng ito,” giit ng PNP.
Nagbigay rin ng suporta at tulong ang PNP sa mga naiwang pamilya ng dalawang opisyal, na sinigurong hindi makakalimutan ang kanilang kabayanihan.
Hinikayat ng PNP ang publiko na makipagtulungan at magbigay ng impormasyon na makakatulong sa mabilis na pagdakip sa natitirang suspek. Muli nilang binigyang-diin ang kanilang paninindigan na panatilihin ang kapayapaan, protektahan ang komunidad, at ipaglaban ang katarungan.
Habang nagluluksa ang bansa, nanawagan ang PNP sa kanilang hanay na ipagpatuloy ang walang sawang paglilingkod para sa hustisya at kapayapaan, bilang pagpupugay sa kabayanihan nina PSSg Cudiamat at PSSg Dela Cruz.
“Paalam at salamat sa inyong serbisyo. Ang inyong kabayanihan ay hinding-hindi malilimutan.” Santi Celario