MANILA, Philippines – Balik-kulungan ang isang e-bike driver at deliver app rider makaraang mahulihan ng P2.7 milyong halaga ng shabu sa buy-bust operation sa Cebu City nitong Huwebes, Pebrero 1.
Kinilala ang mga naarestong indibidwal na sina Rimark Espinosa Canoy, 33, e-bike driver, at Oscar Togino Abanes, 22, drayber ng delivery app.
Kapwa residente ang mga ito ng Sitio Mansanitas, Barangay Duljo Fatima.
Ayon sa pulisya, naaresto ang dalawa sa buy-bust operation sa Sitio Black Cats sa Barangay Duljo Fatima bandang 9:15 ng gabi ng mga operatiba ng Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU)-7, sa pangangasiwa ng Regional Intelligence Division (RID-7).
Nakuha sa mga suspek ang 400 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P2.7 milyon.
Inilagay sa surveillance ng halos isang buwan sina Canoy at Abanes bago isinagawa ang buy-bust operation.
Dati na ring nakulong ang dalawa dahil sa drug-related offense.
Sa report, kayang makapagbenta ng dalawang suspek ng isang kilo ng shabu linggo-linggo.
Nananatili sa RPDEU-7 detention facility sina Canoy at Abanes habang inihahanda ang kasong isasampa sa dalawa. RNT/JGC