MANILA, Philippines – Humihirit ng P2 fare hike ang mga transport group kasabay ng pagkonsidera ng nationwide strike sa tumataas na presyo ng produktong petrolyo dahil sa tensyon sa Middle East.
Sa panayam ng GMA News, sinabi ni MANIBELA chaiperson Mar Valbuena na ang P1 fare increase ay hindi sapat.
“At least sana P2 kasi nga ‘yung losses pa namin noong Marso hanggang ngayon ay hindi pa rin kami nakaka-recover dito. Kaya sana mapagbigyan tayo ng ating Pangulo. Kung hindi sana ito binawi noong nakaraan ay okay na sana ang piso,” aniya.
“Kaya lang napakalaki pa rin ng hinahabol nating nawalang kita ng ating mga kasamahan. Kung titingnan natin, 100% na ang itinaas nito. ‘Yung hiniling po natin na piso noon, pre-war era pa ito, noong hindi pa po sumiklab ang gera at hindi naibigay sa atin ito. Ngayon na bibigyan tayo ng piso pa rin, panahon pa ito noong wala pang gera,” dagdag ni Valbuena.
Iginiit din ni ACTO president Libay de Luna ang pangangailangan sa pagtataas ng minimum fare.
“Ang reaksiyon ko rito ay kailangan magtaas na ng pamasahe. Ibigay na nila ‘yung aming hinihinging pagtaas ng pamasahe at kung may ibibigay pa silang ayuda sa amin eh sana matanggap na po naming lahat ulit,” sinabi ni De Luna.
“Kahit ₱1 o ₱2 malaking tulong na ito sa akyat-panaog ng atin mga pasahero, malaking tulong na ito sa hanay ng transport sector,” dagdag pa niya.
Ani De Luna, ang fare hike ay magdaragdag ng P150 hanggang P200 na take home pay sa mga drayber.
Kapwa sinabi nina Valbuena at De Luna na magkakasa sila ng transport strike kung magpapatuloy ang pagtataas sa presyo ng produktong petrolyo.
“Pinag-iisipan pa po namin kung anong araw ito dahil sa pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo, unti unti na namang aabot sa P100 na hindi natin namamalayan dahil sa kaliwa’t kanang issue ng ating bayan. Masyado tayong pinagsasamantalahan ng mga oil companies at kasabwat itong Department of Energy sa pagsasamantala ng mga oil companies na ito,” sinabi ni Valbuena.
Nasa 100,000 drayber at operator ang inaasahang lalahok sa tigil-pasada sa buong bansa.
Makikipagkita ang MANIBELA sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board bukas, Hulyo 21 para pag-usapan ang fare hike. RNT/JGC