MANILA, Philippines- Nagpahayag ng kalungkutan si Vice President Sara Duterte sa patuloy na paglalaro umano ng gobyerno sa publiko matapos na ipatigil ang rollout ng P20 kada kilo ng bigas sa Cebu.
Pansamantalang sinuspinde muna kasi ng Department of Agriculture (DA) ang pagbebenta ng bigas na ₱20 kada kilo sa Cebu, isang araw lamang matapos itong ilunsad noong Labor Day.
Sumunod ang DA sa utos ng Commission on Elections (Comelec) na ipatigil ang pamamahagi ng tulong mula sa pamahalaan sa panahon ng eleksyon.
Ang inisyatibang ito, bahagi ng pangakong kampanya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na gawing abot-kaya ang presyo ng bigas, ay inilunsad noong Mayo 1 sa Cebu Provincial Capitol.
Pinayagan ang mga benepisyaryo—kabilang ang mga senior citizen, solo parent, at persons with disabilities—na bumili ng hanggang 10 kilo ng bigas. Humigit-kumulang 500 sako ang naipamahagi sa unang araw.
Gayunman, naglabas na noon ng abiso ang Comelec na ipinagbabawal ang pamamahagi ng ayuda mula Mayo 2 hanggang Mayo 12 upang maiwasan ang pamumulitika gamit ang mga programa ng gobyerno.
“Kaya ako nakaitim ngayong araw na ito sa kampanya namin, dahil nalulungkot talaga ako, nagluluksa talaga ako kasi pinaglalaruan yung mga taong walang-wala, pinaglalaruan yung mga mahihirap,” ang sinabi ni VP Sara sa sidelines ng campaign event ng mga lokal na kandidato sa Zamboanga City.
“Hindi lang isang beses, hindi lang dalawa, paulit-ulit na sinasamantala yung desperation, hunger, and poverty sa ating bayan,” dagdag na pahayag nito.
Samantala, nagpasalamat si Garcia sa Department of Agriculture sa pagpapasya nitong pansamantalang ihinto ang ₱20 kada kilong bigas upang sumunod sa assistance ban ng Comelec.
“Nagpapasalamat tayo sa ating DA na makatapos tayo ng ating suhestyon na sana May 2 to May 12 ay walang ipapatupad na pagbebenta ng ₱20 na bigas. Napakagandang programa pero sabi natin makakapaghintay naman siguro ang programang yan. Kahit na May 13 hindi na kailangan kumuha pa ng exemption sa Comelec,” pahayag ni Garcia sa mga mamamahayag.
“Sana ‘yung kahapon, okay na po ‘yun. At least, alam na ng sambayanan na may ine-expect sila na ₱20 na bigas pagkatapos ng elections na pwede nilang mabili,” dagdag pa niya.
Ipinahayag ng DA ang kanilang dedikasyon na ipagpatuloy ang programa pagkatapos ng halalan, na layuning makapagbigay ng abot-kayang bigas sa tinatayang 800,000 kabahayan sa rehiyon ng Visayas. Kris Jose