MANILA, Philippines – Kinuwestyon ng consumer group na Bantay Bigas ang pagpapatupad ng pilot run ng programang P20 kada kilong bigas sa Visayas, na anila’y maaaring ginagamit bilang “pabango” sa imahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasabay ng nalalapit na halalan.
“Double digit yung pagbaba ng kanyang trust rating at siyempre puwede pabanguhin yung image ni BBM which will translate doon sa kanyang senatorial slate para matiyak ‘yung boto para sa kanila,” ayon kay Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo.
Ayon sa Department of Agriculture, sisimulan na sa piling lugar sa Visayas sa susunod na linggo ang pagbebenta ng murang bigas, at sasagutin ng gobyerno ang diperensya sa presyo gamit ang P3.5 hanggang P4.5 bilyong subsidy.
Bagama’t kinikilala ng Federation of Free Farmers ang layunin ng programa, sinabi nilang maaaring malugi ang pamahalaan sa tagal ng panahon.
Mas mainam anila kung ilalaan ang malaking bahagi ng pondo sa pagpapalakas ng produksyon ng mga magsasaka.
Paliwanag ng Malacañang, napili ang Visayas dahil mas mataas ang demand at may sapat na stock ng bigas sa rehiyon.
Mariin nilang itinanggi na konektado ito sa pagbaba ng trust rating ni Marcos, at sinabing matagal na itong planong ipatupad bago pa lumabas ang mga survey.
“Noon pa po ito pinag-uusapan. Nakasama po ako minsan sa isang pribadong meeting para po dito, para ipatupad po ang P20 kada kilo na bigas,” ani Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro. ”Nauna pa po ito napag-usapan ng DA, ng NFA bago pa po lumabas ang mga survey ratings na iyan.” RNT