MANILA, Philippines – Kinumpirma ng United States Customs and Border Protection (CBP) na walang pagbabago sa mga patakaran sa imigrasyon at customs para sa mga biyaherong Pilipino, sa kabila ng mga ulat online tungkol sa mas mahigpit na proseso at phone checks.
Ayon kay CBP spokesperson Tammy Melvin, nananatiling prioridad ng ahensya ang seguridad sa hangganan at legal na paglalakbay.
Nilinaw ni Department of Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega na ang Bureau of Immigration (BI) ang may saklaw sa mga palabas na pasaherong Pilipino, hindi ang mga awtoridad ng US.
Kinumpirma rin ni BI spokesperson Dana Sandoval na walang nagbago sa kanilang proseso at hindi sila magkokomento sa mga patakaran ng US.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nakatakda siyang makipagpulong kay US President Donald Trump upang talakayin ang ugnayang PH-US, kabilang ang isyu sa imigrasyon, kasunod ng mga ulat ng deportasyon ng ilang daang Pilipino.
Ayon kay Consul General Donna Rodriguez, may 20 Pilipinong undocumented ang kasalukuyang nakakulong at posibleng i-deport. Tinatayang nasa 150,000 hanggang 370,000 ang bilang ng undocumented Filipino migrants sa US. RNT