Home METRO Mayor ng Rizal, Cagayan posibleng inisniper!

Mayor ng Rizal, Cagayan posibleng inisniper!

MANILA, Philippines – Iniimbestigahan ng pulisya kung sniper ang responsable sa pagpatay kay Mayor Joel Ruma ng Rizal, Cagayan, na binaril habang nangangampanya noong Miyerkules ng gabi.

“Lumalabas sa initial investigation na isang putok lang mula sa sniper rifle ang tumama, mula sa isang vantage point,” ani Police Colonel Randulf Tuaño ng Philippine National Police (PNP).

Nakakuha rin ng basyo ng caliber 5.86 sa lugar ng insidente.

Iniimbestigahan din kung ang mga security police ng alkalde ang posibleng nakatama sa tatlong sugatang biktima. Apat na pulis ang nasa kustodiya para kunan ng pahayag at isailalim sa forensic examination.

Dakong 9:30 ng gabi nang barilin si Ruma; tinamaan siya sa kanang balikat at tumagos ang bala sa dibdib. Idineklara siyang dead on arrival sa Tuao District Hospital. Siya ay tumatakbo muli sa pagka-alkalde para sa darating na halalan.

Nagsagawa na ang pulisya ng hot pursuit operations at naglagay ng high-risk checkpoints para mahuli ang salarin. Santi Celario