MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Philippine Navy na nakita ang Chinese aircraft carrier na Shandong (CV-17) noong Abril 22 sa layong 100 nautical miles hilagang-kanluran ng Burgos, Ilocos Norte, kasama ang walong barko—anim na destroyer at frigate, at dalawang support vessel.
“Ito ay isa sa pinakamalalaki o hindi pangkaraniwang pormasyon na aming namonitor,” ayon kay Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng Navy para sa West Philippine Sea.
Lumapit ang grupo ng barko hanggang tatlong nautical miles mula sa hilagang baybayin ng bansa, malapit sa exclusive economic zone (EEZ).
Pinapahintulutan ito sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) basta’t “tuloy-tuloy at mabilis ang paglalayag.” Hinamon ng Navy ang grupo sa radyo ngunit walang natanggap na tugon.
Karaniwan umanong sumasagot ang mga dayuhang barko sa ganitong mga hamon, ngunit may ilan din na hindi tumutugon. Sinabi ni Trinidad na posibleng galing sa South Sea Fleet ng China ang mga barko.
Hindi nila inuugnay ang presensiya ng mga ito sa kasalukuyang ehersisyong Balikatan ngunit patuloy nila itong binabantayan at tinutugunan kapag kailangan. Santi Celario