MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang paglulunsad ng P20 kada kilong bigas sa Bacoor, Cavite nitong Miyerkules, kasama si Kalihim ng Agrikultura Francisco Tiu Laurel Jr.
Ibinenta ang bigas sa mga stall ng Kadiwa ng Pangulo sa Zapote Public Market para sa mga kabilang sa bulnerableng sektor—mga benepisyaryo ng 4Ps, senior citizens, PWDs, at solo parents—na maaaring bumili ng lima hanggang sampung kilo bawat isa.
Ipinaliwanag ng Pangulo na ang pagkaantala ng pangakong ito ay bunsod ng pangangailangang unahin ang suporta sa mga lokal na magsasaka, tulad ng pagbibigay ng makinarya.
Sinimulan ang programa sa Visayas, at susunod ang Mindanao ngayong buwan.
Ang bigas ay sinusuportahan ng subsidiya mula sa Food Terminal Inc., at target ng Department of Agriculture na ituloy ang programa hanggang 2028, na posibleng makinabang ang hanggang 15 milyong kabahayan sa buong bansa. Santi Celario