MANILA, Philippines- Mapapanatili ng gobyerno ang P20-per-kilo rice initiative hanggang Disyembre.
Maaari rin itong makasama sa national budget para sa susunod na taon.
“According to the reports given to the President (Ferdinand R. Marcos Jr.), the program can be sustained up to December of this year and maybe by the following year, 2026, it will be considered or included in the budget,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Nauna rito, inilunsad na ng Department of Agriculture (DA) “Benteng Bigas Mayroon (BBM) Na” program sa Cebu, araw ng Huwebes, Mayo 1 sa ilalim ng Kadiwa ng Pangulo (KNP) initiative.
Sa ilalim ng KNP program, available ang bigas sa pamamagitan ng mga naka-target na mekanismo partikular na para sa vulnerable sectors gaya ng senior citizens, solo parents, persons with disabilities, at mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng pamahalaan.
Ang bawat kwalipikadong pamilya ay papayagan na bumili ng hanggang 30 kilo ng bigas ng National Food Authority (NFA) rice kada buwan sa halagang P20 kada kilo.
Sinabi ni Castro na positibo ang initial feedback mula sa pilot launch sa Cebu, nakita ang ‘strong turnout at consumer satisfaction.’
“Nakita po natin lalong-lalo na sa mainstream media na napakarami pong nag-avail, marami pong pumila, marami pong nakinabang sa mga kababayan natin sa Cebu at nakabili po ng bigas na bente pesos po kada kilo,” ang sinabi ni Castro.
“Ang mga reporters po sinundan po ang mga nakabili at sila po ang nagpatunay na maganda po ang bigas, naisaing po nila, at tuwang-tuwa po ang mga kababayan natin sa Cebu,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, sinabi naman ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na nagsimula na ang pagbebenta ng bigas sa Cebu bago pa sa ibang rehiyon dahil sa naging kahilingan ng Commission on Elections na iantala ang rollout sa Metro Manila hanggang 12 midterm elections.
Nakatakda naman sa May 13 ang paglulunsad sa Metro Manila, sa may 16 lugar na inihahanda, kabilang na ang mga lokasyon sa Quezon City, Caloocan, Mandaluyong, Pasay, at Pasig.
Sinabi pa ni Castro patuloy na ipaprayoridad ang program rollout sa mga mas nangangailangan.
“Uunahin po muna natin sila… pinag-aralan din po para hindi rin po magkagulo at mauna po yung mas nangangailangan,” ang sinabi ni Castro. Kris Jose