MANILA, Philippines – Kinuwestyon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) noong Lunes kaugnay ng sinasabing tagumpay ng Php20 kada kilong bigas o Bente Bigas Meron na.
Ayon sa KMP, ang naturang programa ay artipisyal, limitado, at lalo lamang nagpapahirap sa mga magsasaka.
Sinabi ng KMP sa kanyang SONA, iginiit ni Marcos Jr. na kaya nang maibenta ang bigas sa halagang Php20 kada kilo “nang hindi nalulugi ang mga magsasaka.” Aniya, matagumpay na raw na naipatupad ang programa sa ilang lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao tulad ng San Juan City, Pangasinan, Cavite, Occidental Mindoro, Cebu, Bacolod, Guimaras, Siquijor at Davao del Sur. Dagdag pa ng Pangulo, palalawakin na ito sa buong bansa sa pamamagitan ng mga KADIWA Stores sa tulong ng LGUs.
Sa press statement sinabi ng KMP hindi totoong tagumpay ang ipinagmamalaking Php20 kada kilo ng bigas. “Hindi ito totoong solusyon sa krisis sa bigas. Artipisyal at para lang sa media ang programang ito. Pinipilit lang ang murang presyo, pero ang mga magsasaka ang lubos na nagsasakripisyo,” ayon kay Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP. “Hindi tumaas ang produksyon ng palay, hindi bumaba ang gastos sa pagsasaka, pero lalong bumagsak ang presyo ng bilihan ng palay sa mga probinsya. Sino ang hindi malulugi?”
Idinagdag pa ni Ramos na limitado lamang ang abot ng programang Php20 bigas at hindi ito nararamdaman ng karamihan sa mga konsyumer. “Sa palengke, ang presyo ng bigas ay nasa Php45 hanggang Php55 pa rin. Ang Php20 bigas ay para lang sa piling lugar, hindi ito pangkalahatang solusyon. Panandaliang ginhawa para sa iilan, pero matinding perwisyo sa malawak na hanay ng magsasaka,” aniya.
Kaugnay nito ayon naman kay Ronnie Manalo, lider magsasaka mula sa Bulacan at Secretary General ng KMP, malinaw na malalaking negosyante sa bigas ang higit na nakikinabang sa programa. “Nag-ho-hoard sila ng malaking volume ng bigas, tapos sila rin ang nabibigyan ng subsidyo mula sa gobyerno. Samantalang ang mga maliliit na magsasaka, halos ipamigay na lang ang palay sa sobrang baba ng presyo. Ito ba ang ipinagmamalaki ni BBM na hindi nalulugi?”
“Habang bukas ang ating merkado sa mura at maramihang imported na bigas, lalong bumabagsak ang kita ng lokal na magsasaka. Walang saysay ang sinasabing murang bigas kung ang kapalit nito ay pagbagsak ng kabuhayan sa kanayunan,” ayon pa kay Ramos. (Santi Celario)