Home NATIONWIDE P1-B pondo sa child dev’t centers sa 2026, tinitignan ng DBM

P1-B pondo sa child dev’t centers sa 2026, tinitignan ng DBM

313
0

MANILA, Philippines – Nangako ang Department of Budget and Management (DBM) ng isa pang P1 billion sa 2026 para magtayo ng higit pang Child Development Centers (CDCs) sa bansa, bilang bahagi ng ginagawang pagsusulong ng administrasyong Marcos upang punan ang puwang sa early childhood education.

Ito’y matapos pangunahan nina Budget Secretary Amenah Pangandaman, Education Secretary Sonny Angara, at Early Childhood Care and Development (ECCD) Council Executive Director Teresita Inciong ang paglagda sa memorandum of agreement (MOA) kasama ang ilang piling local government units (LGUs).

“Alam n’yo kung gaano kabilis nangyari itong proyektong ito,” ang sinabi ni Pangandaman, inalala ang agarang pag-apruba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa idinaos na Cabinet meeting noong March 2025 matapos iulat sa 2nd Congressional Commission on Education (EDCOM 2) ang malalang kakapusan ng CDCs sa buong bansa.

“Ang atin pong mahal na Pangulo, bilang isang decisive na lider, agad-agad po n’yang sinabi na kailangan nating matapos, ma-complete natin ‘yang backlog na ‘yan,” aniya pa rin.

Nauna rito, iniulat ng EDCOM 2 na mahigit sa 5,800 barangay ang nananatiling kulang sa CDCs, sa kabila ng ipinag-utos ng batas na dapat ay mayroong isa sa bawat barangay.

Sa kabilang ldako, kapuwa tinintahan ng DBM at Department of Education ang isang joint circular noong April para ipatupad ang proyekto, naglaan ng P1 billion para sa initial phase, na mayroong P3 million na inilaan naman kada beneficiary barangay.

Sinasabing, mahigit sa 300 child development centers ang itatatag sa buong bansa gamit ang pondo, kung saan 89 sa Luzon, 106 sa Visayas, at 133 sa Mindanao, kabilang ang 76 sa Bangsamoro Region.

‘As of July’, may P396 million ang ipinalabas na sa 132 LGU beneficiaries.

Samantala, hinikayat naman ni Pangandaman ang local governments na bilisan ang ‘procurement at construction’, sabay sabing imo-monitor ng DBM ang progreso at nagbabalak na bisitahin ang sites kasama ang Pangulo. /Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here