Home NATIONWIDE P200K pabuya alok palit-impormasyon sa nag-vandal ng coral reefs sa Panglao

P200K pabuya alok palit-impormasyon sa nag-vandal ng coral reefs sa Panglao

CEBU CITY — Nag-alok ng P200,000 pabuya si Bohol Gov. Aris Aumentado sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na hahantong sa pagkakakilanlan ng mga tour guide na nagpapahintulot sa mga diver na sirain ang mga coral stone sa isa sa mga nangungunang dive site sa lalawigan.

Nag-alok si Aumentado ng P200,000 para sa pagkakakilanlan ng mga boatman at tour guide na nangolekta umano ng karagdagang bayad sa mga turista para maisulat ang kanilang mga pangalan sa mga coral stone sa Estaca Dive Site sa Puntud Island (dating Virgin Island), Panglao Island.

“Hindi natin maaaring payagang mangyari ang mga pang-aabusong ito. Itong mga snorkeling guides ang nag-uudyok sa paninira at sila ay nangongolekta ng bayad,” ani Aumentado.

Natuklasan ang anomalya nang mag-post ang isang Koreanong turista ng video sa social media ng kanilang pagsisid sa Virgin Island kung saan isinulat ng local guide ang mga pangalan ng mga diver sa mga coral stone.

Anumang impormasyon na makakatulong sa pagkilala sa mga boatman ay maaaring ipadala sa mobile number 09606077503 o sa opisyal na Facebook page ni Aumentado.

“Ito ay kailangang itigil. Kailangan nating protektahan ang ating yamang dagat, ang ating kapaligiran. Kung masira ang mga corals na yan, mawawalan tayo ng mga turista. Wala nang interesadong pumunta doon,” ani Aumentado.

Sinabi ni Aumentado na gagawa ng task force para maiwasan ang mga katulad na insidente.

Bibigyan ng awtoridad ang mga miyembro ng task force sa mga mahuhuling lumabag.

Dahil sa insidente, nagpasya ang Protected Area Management Board (PAMB) na isara ang Puntud Island simula Setyembre 9.

Ang desisyon ay ginawa sa isang espesyal na pagpupulong ng lupon noong Setyembre 6.

Sinuportahan ni Aumentado ang mga rekomendasyon mula sa joint assessment report ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Bohol Provincial Environment and Management Office (BPEMO), at Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng Panglao. RNT