MANILA, Philippines – Nakumpiska ng mga awtoridad ang tinatayang P20 milyong halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo at inaresto ang isang driver sa isang checkpoint operation sa Parang, Maguindanao del Norte, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa smuggling.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., naharang ng mga operatiba mula sa Regional Mobile Force Battalion 14-A at Parang Municipal Police Station ang isang wing van truck sa Barangay Pinantao bandang alas-6:30 ng umaga.
Aabot sa 345 master cases ng iba’t ibang brand ng sigarilyo ang nakumpiska, na may tinatayang halagang ₱20 milyon. Inaresto ang driver matapos itong mabigong magpakita ng kaukulang dokumento para sa kargamento.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang mga nakumpiskang produkto, sasakyan, at ang suspek.
Pinuri ni Nartatez ang mga operatiba at binigyang-diin ang patuloy na kampanya ng PNP laban sa smuggling.
“Let this be a clear message to those attempting to bypass our laws: the PNP is always alert, ready, and committed to protecting our people and our economy,” aniya.
“The PNP also assures the public that operations against smuggling and other forms of criminality will remain relentless,” dagdag pa niya. Mary Anne Sapico