Home NATIONWIDE P23.8B farm-to-market road aid, titintahan ng Pinas at France

P23.8B farm-to-market road aid, titintahan ng Pinas at France

177
0

MANILA, Philippines — Inaasahang lalagdaan ng Pilipinas at France ang isang 350 million euros o humigit-kumulang P23.8 bilyong Official Development Assistance (ODA) para sa pagtatayo ng mga tulay na susuporta sa farm-to-market roads (FMR), ayon sa Department of Agriculture (DA) nitong Miyerkules.

Sinabi ni DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa na maaaring mapirmahan ang loan agreement sa pagitan ng Abril at Mayo matapos ang opisyal na pagbisita ng delegasyon ng DA sa France mula Pebrero 20 hanggang 27.

“Nasa procurement stage na kami. And we are targeting within April, siguro hanggang May magkaroon na ng (We are in the procurement stage. And we are targeting within April or until May to have the) signing and loan agreement,” ani De Mesa sa isang press conference.

Ang pondo ay gagamitin para sa pagtatayo ng maliliit na tulay na may habang 25 hanggang 60 linear meters upang mapahusay ang kahusayan ng mga FMR projects sa buong bansa.

“Marami tayong ginagawang FMR sa buong bansa. Marami doon sa FMR na iyon o lahat ng FMR, walang tulay na component (We are constructing many FMRs in the country. Most of the FMRs or all of the FMRs have no bridge component),” aniya.

Ayon kay De Mesa, may kabuuang 1,428 tulay ang kailangang itayo upang suportahan ang mga FMR sa buong bansa, kung saan tinatayang 300 tulay ang sasagutin ng ODA mula sa France.

“More than 50 percent of the bridges are located in Mindanao. And then perhaps 30 percent in Luzon, 20 percent in Visayas, at least for the 300,” dagdag niya.

Kapag nalagdaan ang kasunduan, inaasahang sisimulan ang implementasyon ng proyekto sa Hunyo o Hulyo at target na matapos sa loob ng tatlo hanggang apat na taon.

Nagpahayag din umano ng interes ang France na pondohan ang karagdagang FMR bridges bukod sa unang 300. Nakikipag-usap din ang DA sa Austria at United Kingdom upang matustusan ang natitirang mga tulay. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here