MANILA, Philippines – TINATAYANG nasa P235 milyon halaga ng mga ismagel na sigarilyo ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Port of Batangas sa isinagawang operasyon noong Marso 13.
Ayon sa BOC, ang kontrabando ay nagmula pa sa United Arab Emirates at tangkang ipasok sa bansa nang hindi nagbabayad ng tamang buwis at walang kaukulang dokumento.
Nabatid sa BOC na mula Enero 1 hanggang Marso 6 ngayong taon, nakapagtala na ang BOC ng 127 operasyon laban sa smuggled na sigarilyo na nagresulta sa pagkakasabat ng halos ₱2 bilyong halaga ng kontrabando sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa naturang operasyon, natuklasan ng mga awtoridad ang 637 master cases ng sigarilyo matapos ang masusing intelligence monitoring ng ahensya.
Napag-alaman na ang shipment ay may tatak na MAC Super Slim Ice Cool Blast Cigarettes, ngunit walang Graphic Health Warning na kinakailangan sa ilalim ng Republic Act No. 10643.
Bukod dito, wala ring Internal Revenue Stamps mula sa Bureau of Internal Revenue na malinaw na paglabag sa National Internal Revenue Code of the Philippines.
Ayon kay Carmelita M. Talusan, patuloy pang palalakasin ng mga awtoridad sa Batangas Port ang operasyon upang agad mahuli ang mga iligal na shipment na pumapasok sa bansa.
Dahil dito, naglabas ang BOC ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) laban sa kargamento dahil sa paglabag sa mga probisyon ng Customs Modernization and Tariff Act.
Iginiit ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na hindi titigil ang kampanya ng BOC laban sa iligal na kalakalan ng tabako at tiniyak na haharap sa buong puwersa ng batas ang sinumang sangkot sa smuggling.
Dagdag pa niya, patunay ang nasabing operasyon sa patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na maprotektahan ang kita ng gobyerno, legal na negosyo, at seguridad ng mga pantalan ng bansa. JAY Reyes