Home METRO P235M ismagel yosi nasabat sa Batangas port

P235M ismagel yosi nasabat sa Batangas port

166
0

BATANGAS, Philippines – Tinatayang nasa P235 milyon halaga ng mga ismagel na sigarilyo ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Batangas.

Ayon sa BOC, tinatayang 637 kahon ng sigarilyo ang laman ng naturang kargamento na pinaniniwalaang ipinuslit papasok ng bansa.

Nag-ugat ang operasyon mula sa impormasyon ng BOC Intelligence Group tungkol sa isang shipment mula sa United Arab Emirates na umano’y may kargang MAC SS brand cigarettes na sakay ng barkong MV EVER CAST na patungong Batangas.

Sa beripikasyon ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), nadiskubre na ang container na pinaghihinalaan ay hindi nakatala sa Bill of Lading, Inward Foreign Manifest, at Discharge List, dahilan upang agad na magsagawa ng masusing monitoring at pagsusuri ang mga awtoridad.

Nang dumating sa Batangas ang barko noong Pebrero 14, 2026, agad naglabas ng Pre-Lodgement Control Order (PLCO) ang BOC-Port of Batangas sa pamumuno ni Carmelita M. Talusan upang matiyak na daraan sa mahigpit na inspeksyon ang shipment.

Nabatid sa BOC na noong Marso 5, isinagawa ng mga awtoridad ang 100 porsiyentong pisikal na inspeksyon sa container. Pagbukas nito ay tumambad ang mga kahon ng MAC brand cigarettes na walang kaukulang dokumento para sa legal na pag-aangkat.

Sa karagdagang beripikasyon, lumabas na ang consignee ng shipment ay walang awtorisasyon na mag-import ng sigarilyo, na indikasyon ng tangkang pagpupuslit ng regulated tobacco products sa bansa.

Sinabi ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno na patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng BOC sa mga pantalan.

Aniya, mahalaga ang ganitong operasyon upang mapigilan ang iligal na kalakalan, maprotektahan ang lehitimong negosyo, at matiyak na ang tamang buwis ay napupunta sa pamahalaan para sa kapakinabangan ng sambayanang Pilipino. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here