Home NATIONWIDE P243.4M social assistance sa mga PWD, solo parent at senior sa Maynila...

P243.4M social assistance sa mga PWD, solo parent at senior sa Maynila sisimulan na

341
0

MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na simula ngayong Huwebes (Disyembre 11, 2025) ay sisimulan nang ipamahagi ang nasa P243.4 milyon social assistance para sa mga taong may kapansanan (PWD), solo parent, at senior citizen na nakalista sa ilalim ng programang social pension ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Nabatid na ang mga PWD sa lungsod ay makakakuha ng P500 kada buwan mula buwan ng Hulyo at Agosto 2025 kung saan makikinabang ang nasa 46,764 na nasa hustong gulang na PWD at 9,622 na menor de edad. Ang kabuuang alokasyon para sa nasabing sektor ay P55,898,000.

Ang mga solo parent ay makakatanggap din ng P500 kada buwan sa parehong buwan, na may 30,788 na benepisyaryo at kabuuang alokasyon na P15,548,500.

Ang pinakamalaking tulong pinansyal ay mapupunta sa 28,364 na senior citizen na kasama sa listahan ng social pension ng DSWD, na may kabuuang P171,975,000.

Ayon kay Yorme, agad na naipadala ng pambansang pamahalaan ang mga pondo sa Maynila, kaya’t pinili niyang ilabas agad ang mga ito upang mabigyan ang mga senior ng karagdagang suporta sa panahon ng kapaskuhan.

Ayon kay Yorme, ang pamamahagi ng mga nasabing cash assistance ay magsisimula ngayong Dis. 11 hanggang Dis. 13 sa anim na distrito ng Maynila.

Tanging mga awtorisadong opisyal ng barangay—mga chairperson, treasurer, o kalihim—ang maaaring kumuha ng pondo, na direktang ipamamahagi sa mga benepisyaryo sa kani-kanilang mga barangay hall.

Iniulat din ng alkalde na nakapaghatid na ang lungsod ng mga kahon ng pagkain para sa noche buena sa mahigit 400 barangay at nagsimula nang ipamahagi ang kanyang mga personal na regalo sa Pasko para sa mga nakatatanda, kabilang ang maliliit na cookies, isang lightweight na tumbler, at isang portable na kahon ng gamot na idinisenyo upang matulungan ang mga matatandang residente na masubaybayan ang kanilang mga maintenance na gamot. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here