MANILA, Philippines – Bilang pagtupad sa isa niyang pangako noong kampanya, inanunsyo ni Senador Bam Aquino at ng Commission on Higher Education (CHED) na 19,000 nursing at allied health sciences students ang makakatanggap ng one-time P25,000 financial assistance para sa kanilang gastusin sa Related Learning Experience (RLE).
Sa kanyang pakikipagpulong sa nursing students mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa noong 2025 senatorial campaign, nangako si Aquino na tutugunan ang kanilang hinaing ukol sa mataas na gastusin sa RLE, na kahalintulad ng on-the-job training (OJT) at requirement para makapagtapos.
Noong panahon niya bilang chairperson ng Committee on Basic Education, isinulong ni Aquino ang paglaan ng P500 milyon sa 2026 national budget upang makatulong sa pagbabayad ng RLE expenses ng allied health sciences students.
Dumalo si Aquino noong Lunes sa paglulunsad ng CHED ng online portal para sa pagsusumite ng aplikasyon at supporting documents para sa Allied Health Experiential Assistance for Deserving Students (AHEAD) Grant.
Kasama sina CHED Chairperson Dr. Shirley Agrupis at CHED Commissioners Dr. Desiderio Apag III, Dr. Ricmar Aquino, Dr. Myrna Mallari, at Dr. Michelle Aguilar-Ong, sinaksihan nila ang pagsusumite ng 10 nursing students mula sa Pamantasan ng Lungsod ng Marikina (PLMar) ng ceremonial enrollment sa online portal.
Ayon kay Aquino, ang AHEAD Grant, na itinatag sa pamamagitan ng CHED Memorandum Order No. 11, Series of 2026, ay makakatulong upang maibsan ang pinansyal na pasanin ng mga estudyante at kanilang mga pamilya, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at produktong petrolyo.
“Malaking tulong ito sa ating mga estudyante na naka-enroll sa allied health and medical-related programs na nahihirapan kung saan kukuha ng pambayad at napipilitang mangutang para sa RLE,” ani Aquino.
“Makakagaan din ito sa gastusin ng kanilang mga pamilya, lalo ngayong mataas ang presyo ng bilihin at produktong petrolyo. May magagamit na silang panggastos para sa iba pang mahahalagang pangangailangan ng pamilya,” dagdag pa niya.
Nangako rin si Aquino na isusulong sa bicameral conference committee sa susunod na linggo ang amyenda sa Free College Law na magpapahintulot na maisama ang RLE expenses sa ilalim ng Tertiary Education Subsidy (TES).
“This is our amendment. We included to allow TES for RLE na special para magiging mandated na rin po ang pagpondo nito. We will fight that every year, itataas natin ang budget para mas maraming estudyante ang makakakuha ng tulong,” pagtiyak niya.
Pinuri rin niya ang CHED sa mabilis nitong pagpapatupad ng programa, mula sa paglalabas ng guidelines hanggang sa paglulunsad ng online application portal.
Ayon kay Dr. Agrupis, kabilang sa mga covered degree programs ang Nursing, Medical Technology o Medical Laboratory Science, Midwifery, Nutrition and Dietetics, Occupational Therapy, Physical Therapy, Respiratory Therapy, Radiologic Technology, Pharmacy, Speech Language Pathology, Public Health, Doctor of Dental Medicine, Doctor of Optometry, at Doctor of Veterinary Medicine.
“Ang AHEAD Grant ay isang konkretong hakbang upang matiyak na mas maraming kabataang Pilipino ang mabibigyan ng pagkakataong makapagtapos, makapaglingkod, at maabot ang kanilang mga pangarap. Itong AHEAD program na ito, through the initiative of our beloved Senator (Aquino), we will be including this in our expanded memorandum of agreement with the Department of Health,” wika ni Dr. Agrupis.
“Nagpapasalamat tayo kay Senator Bam at CHED Chairperson Dr. Shirley Agrupis para sa malaking tulong na ito para sa nursing students ng PLMar,” sabi naman ni Marikina Mayor Maan Teodoro.
Ang Pamantasan ng Lungsod ng Marikina ay kinatawan din nina Vice President Jacqueline Calaycay at dating pangulo nito na si Joselito Rivera.
Isinusulong din ng senador na gawing libre ang RLE sa mga State Universities and Colleges (SUCs) at Local Universities and Colleges (LUCs) sa pamamagitan ng kanyang Senate Bill No. 123. Sa ilalim ng panukalang batas, maaari ring mag-apply para sa TES assistance ang nursing students mula sa private universities para sa kanilang RLE-related expenses.
Nauna nang tinupad ni Aquino ang kanyang pangako sa kampanya na maglaan ng sapat na pondo para sa edukasyon kasunod ng paglaan ng makasaysayang P1.34-trilyong education allocation sa ilalim ng 2026 national budget — ang pinakamalaking education budget sa kasaysayan ng bansa — upang matugunan ang iba’t ibang hamon sa sektor.
Maaaring magsumite ng aplikasyon ang mga estudyante sa pamamagitan ng AHEAD Grant online portal: https://ahead.ched.gov.ph/. Ernie Reyes