Home METRO P27.6M ismagel na yosi nasamsam sa Zambo

P27.6M ismagel na yosi nasamsam sa Zambo

ZAMBOANGA – MAHIGIT P27 milyon halaga ng ismagel na sigarilyo ang nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Port of Zamboanga sa Brgy. Baliwasan, Zamboanga City, noong Enero 26, 2024.

Pinangunahan ng BOC Water Patrol Division (WPD), kasama ang Enforcement and Security Service-Customs Police Division at Customs Intelligence and Investigation Service, ang isang maritime patrol operation na nagresulta sa pagkahuli at pagkumpiska sa isang bangkang de motor na may markang “FB JFM 2”. Sa pag-inspeksyon, ang sasakyang pantubig, na kilala rin bilang “jungkong,” ay natagpuang may kargang mga kontrabando.

Nabatid na nabigo ang naarestong siyam na tripulante na magpakita ng mga kaukulang dokumento upang patunayan ang legalidad ng pag-angkat ng paksa.

Nasa kustodiya na ngayon ng BOC ang nasamsam na sasakyang pandagat at ang nasa 482 master case ng sigarilyo habang nakabinbin ang seizure at forfeiture proceedings para sa paglabag sa Section 1113(a) ng Republic Act 10863, o mas kilala bilang “Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) of 2016, na may kaugnayan sa Seksyon 117 at Tobacco Exportation and Importation Rules and Regulations.

Gayundin, nagsampa ang Bureau ng kasong smuggling laban sa siyam na tripulante dahil sa paglabag sa Seksyon 1401 ng CMTA. Kasalukuyang nakakulong ang mga ito sa Zamboanga City Police Station 11. JAY Reyes