TACLOBAN CITY – Narekober ng awtoridad ang nasa P277.5 milyong hinihinalang shabu na naiwan ng hinihinalang drug courier sa isinagawang anti-carnapping operation noong Sabado, Agosto 31, sa Maharlika Highway sa Barangay Jubasan, Allen, Northern Samar.
Pinara ng Northern Samar Provincial Highway Patrol Team at ng Regional Intelligence Division ng Police Regional Office-8 ang isang Sports Utility Vehicle para sa isang regular na inspeksyon.
Gayunpaman, walang plaka ang sasakyan at ang driver na kinilalang si Sander, ng Barangay Tubod, Iligan City, Lanao del Norte, ay nabigo na magpakita ng opisyal na dokumento sa pagpaparehistro, tanging isang vehicle sales invoice lamang.
Dahil sa pagkabalisa, nagawang tumakas ng suspek patungo sa kabundukan ng Barangay Jubasan kung saan iniwan niya ang kanyang sasakyan, susi nito, at selpon.
Sa isang visual na inspeksyon sa sasakyan, nakita ang isang kahina-hinalang plastic bag na may markang Chinese.
Narekober ng Philippine Drug Enforcement Unit-Northern Samar ang 37 pakete ng hinihinalang shabu na nababalutan ng itim na plastic na may markang Chinese, lisensya sa pagmamaneho ng suspek, at iba pang ebidensya.
Naglunsad ng dragnet operation ang Police Regional Office-8 para mahuli ang suspek. RNT