TACLOBAN CITY- Naharang ng mga awtoiridad ang 37 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P277.5 milyon sa isang anti-carnapping operation nitong Huwebes, malapit sa Jubasan Port sa Barangay Jubasan, Allen, Northern Samar ilang araw lamang matapos ang parehong pagkakakumpiska sa lugar noong Agosto 31.
Hinarang ng Police Regional Office-8-Regional Highway Patrol Unit-Northern Samar ang isang metallic gray sedan para sa routine inspection.
Nasita ang mga sakay nito dahil sa seat belt violations at pagpalyang makapagprisinta ng official receipt (OR) at certificate of registration (CR).
Nagsagawa ng visual search kung saan napansin ng mga pulis ang kahina-hinalang itim na packaging na tila katulad ng hinihinalang shabu na nasamsam sa operasyon noong Agosto 31.
Tinawag ang Philippine Drug Enforcement Agency-K9 unit para sa masusing pagsisiyasat at pagproseso ng sasakyan na nagresulta sa pagkakadiskubre sa 37 black packages na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Naaresto ang tatlong sakay ng sasakyan na kinilalang sina Karding, Pilo, at Mirot at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o Republic Act No. 9165. RNT/SA