Home NATIONWIDE P27B unpaid health emergency allowance ilalabas na ng DBM

P27B unpaid health emergency allowance ilalabas na ng DBM

MANILA, Philippines – Ilalabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang natitirang P27-billion unpaid COVID health emergency allowance pamahalaan sa healthcare workers.

Buwan ng Mayo nang hilingin ng Department of Health (DOH) ang pagpapalabas ng Special Allotment Release Order (SARO) at Notice of Cash Allocation (NCA) na nagkakahalaga ng P27.453 billion.

Ang kaparehong halaga ay ipinanukala ng DOH na makasama sa kanilang 2025 National Expenditure Program (NEP).

Inilaan ito para saklawin ang pagbabayad sa 5,039,926 natitirang validated unpaid HEA at 4,283 COVID-19 sickness at death compensation claims ng mga eligible healthcare at non-healthcare workers na nagbigay ng serbisyo sa kasagsagan ng pandemiya.

Sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na pinagsumikapan nilang plantsahin ang napakatagal ng HEA claims bilang tugon na rin sa naging direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“This is a promise fulfilled. Kahit sa 2025 pa ito hinihiling ng DOH, sinikap po ng DBM na mas maaga itong tuparin, dahil deserve po ito ng ating mga manggagawa sa health sector,” ayon kay Pangandaman.

Matatandaang, inihayag ni Health Secretary Ted Herbosa ang nasabing magandang balita na wala ng iisipin na budget para sa HEA sa ilalim ng 2025 NEP bilang unpaid allowance dahil maipalalabas na ito ngayong taon.

Bilang tugon, sinabi ni Pangandaman na target ng DBM na i-settle ang lahat ng natitirang P27 billion arrears para HEA sa pagtatapos ng taong 2025.

Sa ngayon, ipinalabas ng departamento ang kabuuang P91.283 billion sa DOH para sa Public Health Emergency Benefits and Allowances (PHEBA), saklaw ang lahat ng benepisyo para sa mga healthcare workers mula 2021 hanggang 2023.

Sa naturang halaga, P73.261 billion ang inilaan para HEA.

Samantala, saklaw naman ng PHEBA ang Special Risk Allowance (SRA), kompensasyon o kabayaran para sa

COVID-19 sickness at death, at karagdagang benepisyo para sa pagkain, accommodation, at transportation allowances para sa mga healthcare workers. Kris Jose