Home HOME BANNER STORY P29.7M shabu naharang sa NAIA

P29.7M shabu naharang sa NAIA

Naharang sa isang routine inspection sa Customs International Arrival Area ng NAIA Terminal 3 ang nasa 4,368 gramo ng hinihinalang shabu na natagpuan sa isang bagahe. DANNY QUERUBIN

MANILA, Philippines – Mahigit apat na kilong shabu na nagkakahalaga ng P29,702,400 ang nakumpiska sa bagong dating sa bansa na babaeng pasahero sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 (NAIA T3) Sabado ng hapon, Hunyo 14.

Sa inisyal na report ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) ay kinilala ang inarestong suspek na si alyas Arlene, 43, residente ng B-J1 L-15, Brgy. Francisco II, Dasmarin̈as, Cavite.

Larawan kuha ni Jimmy Hao

Ayon sa IADITG, si alyas Arlene ay pasahero ng paparating na eroplano sa NAIA T3 lulan ng Air Asia Flight AK 582 mula Kuala Lumpur, Malaysia.

Base sa isinagawang imbestigasyon ng NAIA-IADITG, naganap ang pag-aresto sa suspek sa isinagawang interdiction operation bandang ala 1:35 ng hapon sa Customs International Arrival Area, NAIA Terminal 3, Pasay City matapos madiskubre ang mahigit apat na kilo ng shabu sa loob ng kanyang dalang bagahe.

Nakumpiska sa suspek ang isang improvised pouch na gawa sa kulay itim na duct tape na pinaglagyan ng hinihinalang shabu na may timbang na 4,368 gramo na nagkakahalaga ng P29,702,400; bugkos ng damit, bed cover, blanket, comforter at tuwalya.

Narekober din sa suspek ang kanyang pasaporte, ID, boarding pass, at baggage declaration form na nakapangalan sa kanya at isang cellular phone.

Ang nakumpiskang ebidensya ay dinala sa PDEA Laboratory Service para isailalim sa laboratory examination.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 4 Art. II ng RA 9165 ang suspek sa Pasay City Prosecutor’s Office.

Ang NAIA-IADITG ay binubuo ng mga iba’t-ibang ahensya ng PDEA RO NCR; Bureau of Customs – Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (BOC-CAIDTF); PNP Aviation Security Group (AVSEG); Airport Police Department (APD); PNP Drug Enforcement Group (DEG); National Bureau of Investigation (NBI); at ng Bureau of Immigration (BI). James I. Catapusan/Photos by Jimmy Hao and Danny Querubin